Marami ang nakapansin na nabawasan na ang timbang ni Pauleen Luna mula nang isilang niya noong nakaraang buwan ang panganay nila ni Vic Sotto.
Napuna ang pagpayat ni Pauleen nang dumalo siya sa dedication ni Brooklyn noong Sabado. Si Brooklyn ang second daughter nina Pia Guanio at Steve Mago.
Kabilang sa mga bisita ni Pia si Isabelle Daza na former co-host din ng Eat Bulaga. Malapit nang isilang ni Isabelle ang panganay nila ng kanyang foreign husband na si Adrien Semblat.
Magkikita kami bukas ni Pauleen sa church wedding nina AiAi delas Alas at Gerald Sibayan dahil mga secondary sponsor sila ni Bossing.
Hindi puwedeng mawala si Bossing sa listahan ng mga abay dahil favorite siya ni AiAi. Lalakeng Vic Sotto nga ang feeling ni AiAi dahil pareho ang mga pananaw nila ni Bossing sa buhay.
Vic at AiAi, miss na miss na ang isa’t isa
Bukod kay Bong Revilla, Jr., nami-miss ni Bossing si AiAi bilang kapareha niya sa pelikula.
Blockbuster ang lahat ng mga pelikula nina Bossing at AiAi na official entries noon sa Metro Manila Film Festival (MMFF) kaya kahit magkasama sila ng Comedy Queen sa mga television show, iba pa rin ang pakiramdam kapag magkapareha ang dalawa sa mga movie project.
The feeling is mutual dahil pangarap ni AiAi na magtambal uli sila ni Bossing sa pelikula. For the meantime, ipinahiram muna niya si Bossing kay Dawn Zulueta, ang leading lady sa Meant To Beh, ang entry ng OctoArts Films, M-Zet Films at APT Entertainment sa Metro Manila Film Festival 2017.
JoWaPao may partisipasyon sa Meant…
Certified blockbuster ang Trip Ubusan dahil mahigit sa P70 million ang box-office gross nito.
Marami ang nagandahan sa pelikula nina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros kaya nagtanong sila kung bakit hindi na lang isinali sa MMFF 2017 ang Trip Ubusan na tiyak na pipilahan ng manonood.
Kahit puwede, malabo na isali sa MMFF 2017 ang Trip Ubusan dahil may entry si Bossing, ang Meant To Beh nga.
Hindi puwedeng kalabanin nina Jose, Wally at Paolo ang pelikula ni Bossing na kung hindi ninyo alam, isa sa mga co-producer ng Trip Ubusan.
Mapapanood naman sa Meant To Beh ang mga lola ng kalyeserye ng Eat Bulaga dahil may special participation sila sa filmfest movie nina Bossing at Dawn.
Kaya napagkakamalang baklita, Korean actors mahilig sa buddy-buddy!
Ipinaliwanag sa akin ni Ethel Espiritu ng ABS-CBN na mahilig talaga sa mga buddy-buddy ang mga Korean actor kaya napagkakamalan sila ng mga baklita dahil hindi sanay ang mga Pinoy sa mga lalaki na showy at physical sa kapwa mhin.
Bakit nga ba malisyosa tayo? Mabuti na lang, noong panahon nina Rudy Fernandez, Bong Revilla, at Jinggoy Estrada, hindi sila natsismis na may relasyon.
Talagang super close ang tatlo dahil halos gabi-gabi, sila ang magkakasama at magkakausap sa telepono.
At dahil natural na malisyoso ang mga Pinoy, ‘yung ibang mga artista na lalaki, hindi na nagiging close. Binibigyan kasi ng malisya ang closeness nila.
At least, dahil sa closeness ng mga Korean actor sa kanilang mga kabarkada, baka mag-rub off din sa atin ang ugali nila. Hindi na natin pagbibintangan na close sila dahil may bromance na nangyayari.