Docu films palalakasin, tututukan ang kasaysayan ng bansa!

MANILA, Philippines — Ayaw paawat ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chair and CEO Liza Diño sa pagtulong sa local film industry. Target niya ngayon ang pagpapalaganap ng mga documentary films sa bansa.

Mukhang exciting ang bagong proyekto ng FDCP na SineSaysay: Documentary Film Lab and Showcase katuwang ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP).  Ayon kay Chair Liza, ipa-pattern ang kauna-unahang Film Lab sa Pilipinas sa mga international film lab.

Sa nasabing proyekto, mabibigyan ng tsansa ang mga baguhang filmmakers lalo na ang mga estudyante na gustong magsimula sa paggawa ng mga pelikula. Naglalayon din ang SineSaysay na makabuo ng mga pelikulang may katuturan.

Gusto ring mai-promote ni Chair Liza ang documentary films na sikat na sikat daw sa ibang bansa lalo na sa European countries. Na-inspire din siya sa Sunday Beauty Queen na nag-iisang documentary film na nakapasok sa nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF) at umani ng maraming papuri at parangal.

Present sa nasabing presscon sina NHCP Chief History Researcher Alvin R. Alcid at Deputy Executive Director for Programs and Projects na si Veronica Dadu.

Nakipag-partner ang NHCP sa FDCP dahil nais nilang mai-promote ang Philippine history. Sa nasabing proyekto maaari raw mapukaw ang interes ng kabataan at mga estudyante para mas pag-aralan pa ang kasaysayan ng bansa.

Ang numero unong kalaban ng mga libro ngayon ay ang social media at kung anu-ano pang gadgets. Kaya naghahanap na rin ang NHCP ng ibang platform para mas mapag-aralan ang Philippine history. Magbibigay ng budget ang ahensya para sa production ng mga pelikula.

Ayon pa kay Mr. Alvin, apat ang napagkasunduang tema na maaaring pagpilian ito ay ang History of Mindanao, Philippines during World War II, Feminist Movement, at 150th birth anniversary of Emilio Aguinaldo.

Ang SineSaysay ay mahahati sa dalawang kategorya - Bagong Sibol Documentary Lab at Feature Category Documentary Showcase. Ang Bagong Sibol ay bukas para sa mga nagsisimula pa lamang na filmmakers na hindi pa nakakagawa o nakagawa na ng isang documentary full feature film. Anim na finalists ang magkakaroon ng tsansa para mapabilang at mag-workshop ng anim na buwan.

 Bibigyan sila ng tig-P100-K para gumawa ng 10-20-minute short film. Sa anim na ito ay dalawang team ang bibigyan ng P700-K para maiprodyus ang feature version ng kanilang short films.

Ang Feature Documentary Showcase Category naman ay para sa experienced filmmakers na nakagawa na ng 2 full length films.

Ang mga interesadong filmmaker ay kailangang mag-submit ng 5-10-minute pitch trailer base sa mga topic. Apat ang mabibigyan ng P1-M co-production grant para magawa ang kanilang mga pelikula.

Ang mga pelikula ay mapapanood sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) 2019 sa buwan ng Agosto.

Ang mga gustong makilahok ay maaari nang mag-apply simula ngayong Disyembre hanggang sa Pebrero 2018.

Para sa kumpletong detalye at requirements, bisitahin lang ang social media accounts ng FDCP o mag-email sa info@fdcp.ph.

Show comments