MANILA, Philippines — Hindi totoong wala nang kilig na aasahan ang balik-tambalan nina Sharon Cuneta at Robin Padilla sa Unexpectedly Yours na directed by Cathy Garcia-Molina.
Namataan ang dalawa sa shooting sa Sta. Rosa, Laguna at sa isang isla sa Angono, Rizal. Malakas pa rin ang magic ng dalawa kaya maugong ang pananabik ng mga tagahanga, lalo na sa mga taga-Baliuag, Bulacan na hindi man daw sa Maynila panonoorin dahil malayo at mahal ang pasahe, sa SM Baliuag naman sila maghihintay.
Matagal ding hindi nasilayan ang loveteam nina Sharon at Robin kaya excited ang fans nila. May mga mensahe lang na nakakaintriga na nagsasabing ayaw naman talagang makipagtambal ni Robin kay Sharon at may komento pang napilitan lang ang aktor kaya natuloy ang pagsasama nila.
May mataray na bumuwelta sa komento, sa panahon bang ito na wala nang gumagawa ng matinong pelikula ay saka mapipilitan lang si Robin na tumambal uli kay Sharon? Wala na raw action pictures tulad noon kaya masaya nga ang actor sa totoo lang.
Hindi rin totoong sina Joshua Garcia at Julia Barreto ang magdadala ng Unexpectedly Yours. Matatag ang pundasyon ng kasikatan nina Robin at Sharon at kaya nilang dalhin ito. Sa television lang matunog mga kabataang artista pero sa ibang malalayong lugar ay hindi na sila kilala.
Sa November 29 na ang showing ng pelikula ni Mega at makakasagupa nila si Paolo Ballesteros sa Barbi, D’ Wonder Beki. Panahon ng mga bakla ngayon sa showbiz pero tingnan natin kung makakaya nito sina Sharon at Robin lalo’t number one direktora ng panahong ito ang nagdirehe sa dalawa.
Daniel pinipilahan sa kapitolyo
Pagkaraan ng thirty years ay ngayon lang muli nakahawak ng ginintuang tropeo ang Vice Governor ng Bulakan, si Daniel Fernando.
Nagwagi si Daniel bilang Best Drama Supporting Actor para sa seryeng Ikaw Lang Ang Iibigin.
Epektibong kontrabida si Daniel pero sa tunay na buhay ay mabait siya at mapagmahal siya sa kapwa. Kung makikita lamang ninyo ang pila ng humihingi ng tulong sa actor kapag nasa kapitolyo ng Malolos, Bulacan, maluluma ang pila sa Bridge on the River Kwai, joke lang po.
Show ni Willie tinitipid na?!
Malaking kawalan sa programa ni Willie Revillame na Wowowin ang mga nawawalang co-host niya sa show. Marami tuloy ang nagsasabing hindi na exciting katulad noon na natutuwa sila sa jokes na ipinaririnig sa mga nanonood sa studio.
Ano raw kaya ang dahilan kung bakit isa-isa silang nawawala at nalilipat sa ibang programa ng Kapuso, nagtitipid na nga ba si Willie dahil sa rami ng mga binibigyan ng pamasahe sa dumadayo sa said show? At bakit humina na naman ang ingay ng balita na si Kris Aquino ang planong gawing co-host sa Wowowin? Marami talagang problema sa isang game show.