Dalawang magkasunod na pelikula ni Congresswoman Vilma Santos ang napanood namin na ni-restore ng ABS-CBN. Ipinaliwanag nila na sa kabila ng restoration na umabot ng anim na buwan sa isang laboratory sa Italy, talagang may kaunting depekto pa rin dahil wala naman silang nakuhang original na negatibo ng pelikula, kung hindi isang lumang kopya lamang na gasgas pa at may amag pa.
Natatandaan namin, ganyan din ang estado ng isang pelikula ni Ate Vi noon, ang klasikong Burlesk Queen na dinirek ni Celso Ad. Castillo. Nang nagsisimula sa cable television ang Viva, nai-locate nila ang isang kopya sa isang building sa Escolta, pero talagang halos hindi mo na pakikinabangan dahil ang sabi nalubog pa raw sa baha. Pero sa natatandaan namin, ipinadala iyon sa Star TV sa Hongkong kung saan pinagtiyagaang i-restore. Naipalabas iyon nang maayos sa cable, at nailabas din nila sa DVD format.
Noong isang gabi ang napanood nga namin ay ang Tag-ulan Sa Tag-araw ni Direk Celso Ad. na ginawa ng isang independent producer noong araw, ang Archipelago Films. Ang isa ay ang Langis at Tubig, ni Danny Zialcita, na ginawa naman ng Sining Silangan.
Ang Langis at Tubig ang dahilan kung bakit naging artista ang megastar na si Sharon Cuneta. Kasali iyan sa Metro Manila Film Festival, at nang matapos ang festival, dinala iyan sa Cebu kasabay ng Sinulog Festival. Pero hindi makasama si Ate Vi sa Cebu. Ang ginawa nila, si Sharon Cuneta na siyang kumanta ng theme song ng pelikula ang dinala nila sa Cebu. Siya ang pinasakay sa float ng pelikula at pinakanta sa show. Nakita ng producer na si Ernie Rojas kung gaano katindi ang fans ni Sharon, kaya pabalik pa lamang sila sa Maynila, sakay ng eroplano, pinaplano na nila ang paggawa ng pelikula at si Danny Zialcita rin ang director. Pero pagdating sa Maynila, hindi pumayag si Mayor Pablo Cuneta na mag-artista pa ang kanyang anak. Ang pagiging singer ay ok lang sa kanya pero ibang usapan na raw ang pag-aartista.
Iniyakan iyon ni Sharon, at ang manager niya noon na si Mina Aragon ang nakipag-usap kay Mayor Cuneta. Pumayag si Mayor nang malaunan, nagawa ang Dear Heart and the rest is history. Naging artista si Sharon dahil sa pelikula ni Ate Vi.
Mariel baka mas suwertehin sa showbiz
Ewan kung bakit nilalait nila si Mariel de Leon dahil hindi siya nakapasok sa top 15 ng Miss International. Hindi dahil natalo siya, ang ibig sabihin ay hindi na siya maganda. Isa pa, hindi man siya nanalo, mayroon naman siyang ginagawang pelikula. Naniniwala kami na kung nanalo siya, mas matindi ang chances ng kanyang career bilang isang artista. Natalo siya, pero maganda pa rin naman ang fighting chance niya bilang isang aktres.
Gay personality nang-traydor sa pansit!
Hindi maliwanag sa amin kung bakit ang tawag daw sa isang showbiz gay ay “La Traidora” at may sinasabi pa nilang dahil sa pansit. Ano nga ba ang kuneksiyon ng pansit sa pagtawag sa isang tao na traydor? Hindi maliwanag sa amin ang kuwento kasi tawanan nang tawanan eh.
Itinago ba ng showbiz gay ang pansit sa mga kasamahan niya? O nang makita niyang may nagbigay ng pansit ay nagbigay naman siya ng pera? Ano ba talaga ang kuneksiyon ng pansit sa pagiging traydor, at ano ang kuneksiyon ng pansit, at pagiging traydor sa showbusiness? Alamin natin iyan ha.