MMDA walang planong patawarin si Isabel!
’Yan ang napala sa kakapalan
Pinadalhan na ng sulat ang beauty queen at aktres na si Maria Isabel Lopez at pinagpapaliwanag siya ng LTO kung bakit hindi nga dapat kanselahin ang kanyang lisensiya matapos ang ginawa niyang paglabag sa batas sa pagpasok sa ASEAN lane sa EDSA noong Sabado at pagpo-post pa ng kanyang ginawang paglabag sa social media.
Sinasabing nakita na rin sa CCTV ang mga sasakyang sumunod sa ginawa ni Maria Isabel at posibleng sila rin ay ipatawag ng LTO. Pinag-aaralan din naman umano kung ano ang gagawin sa mga kagawad ng MMDA at iba pa na nagpabaya at hindi nag-check sa mga sasakyan, kabilang na ang sasakyan ni Maria Isabel na nakalampas sa kanila kahit na walang ASEAN delegations dahil lamang naka-hazard signal ang mga iyon. Dapat nakilala na rin nila na hindi ASEAN official vehicle iyon dahil ang ginamit na sasakyan ay pare-pareho.
Kahapon ay dapat sanang magpunta na sa tanggapan ng LTO si Maria Isabel, pero sinusulat namin ito ay hindi pa namin alam kung sumipot nga siya sa tawag ng LTO, at kung may kasama siyang abogado sa pagharap niya roon. Ang isang taong nabibigyan ng ganyang summons ay nagpapasama sa kanilang abogado para mapayuhan sila kung ano ang pinakamabuti nilang options. Pero matigas ang paninindigan ng MMDA na kanselahin na ng LTO ang lisensiya ng aktres.
Sinasabi nga nilang ang nangyari ay isang “breach of security” at kung hindi siya mapaparusahan nang tama ay baka maulit pa iyan at gayahin ng ibang tao sa ibang mga pagkakataon. Isang high profile personality nga naman si Isabel at tiyak na magiging basehan ng iba kung ano man ang maging desisyon ng LTO laban sa kanyang paglabag sa batas.
John Lloyd mas gustong mag-farm?!
Hoy, walang nakakamalay, nakabalik na pala sa Pilipinas si John Lloyd Cruz matapos ang ilang linggong bakasyon sa Europe, kasama ang kanyang girlfriend na si Ellen Adarna. Iyon pala matagal na rin silang nakabalik sa Pilipinas. Nalaman lang na nakabalik na sila nang lumitaw sila sa wake ng anak ni dating foreign secretary Albert Romulo. Doon ay nakita pa nila si President Rodrigo Duterte.
Hindi pa rin maliwanag kung sa pagbabalik ni John Lloyd ay babalikan na rin niya ang kanyang career, o kung sasabihin niyang naayos na niya ang mga “personal niyang problema”.
May nagsasabi pa ngang sa tipo ng mga post ni John Lloyd ngayon sa social media ng mga picture ng kanilang farm sa Antipolo, mukhang ang gusto raw noong ipahiwatig ay nakahanda siyang magbakasyon pa nang mas matagal pa.
Pero maliwanag na sa buong panahon ng kanyang bakasyon, hindi tumatakbo ang time clause ng kanyang kontrata sa ABS-CBN, kaya habang hindi siya nagbabalik ay humahaba rin ang panahong kailangan pa niyang ilagi sa network.
Indie male star, high tech ang panghihingi ng awa
Ibang klase rin ang trip ng isang male indie star. Nakikipagkaibigan siya sa mga tao sa social media, nagpapaawa, at dahil doon nakakahingi siya ng pera sa mga iyon nang walang kapalit. Ok lang noong una, pero mukhang nakahalata na rin ang mga kaibigan niya na panay ang daing niya at panay din ang hingi niya ng tulong.
- Latest