Family Feud ni Luis pinababalik!
May pa-survey si Luis Manzano sa kanyang mga supporter at fans.
Nagtatanong si Luis kung alin sa mga game show niya ang type ng televiewers na ibalik sa telebisyon, ang Family Feud, Deal or No Deal o Minute to Win It.
Mas marami ang bilang ng mga may gusto na ibalik sa ere ang Family Feud dahil sa mga simpleng dahilan, informative, enjoyable at educational ang game show na para sa buong pamilya.
Si Luis din ang host ng I Can See Your Voice ng ABS-CBN na popular na popular sa televiewers. Nakiiyak ang viewers nang umiyak si Zsa Zsa Padilla sa sobrang kaligayahan dahil singer ang contestant na napili niya na ka-duet sa episode ng I Can See Your Voice noong Linggo.
Edu pinagkaperahan!
Nakakaloka naman pala ang nangyari kay Edu Manzano dahil mismong ito ang nakakita sa Facebook ng social media post na siya ang host ng Mr. Universe Tourism 2017 na ginanap noong Linggo ng gabi sa Maynila.
Siyempre, shocked si Edu dahil wala itong kaalam-alam na ginagamit na siya sa publicity ng contest. Sinabi agad ni Edu kay June Rufino ang discovery niya kaya naglabas agad ng official statement ang kanyang manager.
At dahil si Edu ang nakadiskubre ng panggagamit sa kanya, malinaw na biktima siya ng fake news at ng organizer ng Mr. Universe Tourism.
Dapat magpaliwanag ang organizer ng male pageant dahil posibleng biktima rin sila. Baka may tao na nag-promise na mapapasipot nito si Edu kaya malakas ang loob nila na maglabas ng social media ad.
It’s a must na maglabas ng official statement ang organizer ng show bago mabahiran ng mga pagdududa ang kredibilidad ng kanilang samahan.
Barbie at Ken ligtas sa pagtataray ni Direk Joel
Sorry pero hindi ko talaga kilala ang mga newcomer na co-stars nina Barbie Forteza at Ken Chan sa This Time I’ll Be Sweeter.
Actually, masusuwerte ang mga baguhan na hindi ko ma-remember ang mga pangalan dahil nabigyan sila ng opportunity na maging bahagi ng cast ng pelikula ng Regal Films.
Ang dami-daming mga artista, baguhan at veteran na nangangarap na magkaroon ng project sa movie outfit ni Mother Lily Monteverde dahil sa kasabihan na hindi kumpleto ang showbiz career ng mga artista kapag hindi sila nakagawa ng pelikula sa Regal Films.
Lucky talaga ang mga baguhang artista, pati na sina Ken at Barbie dahil hindi nila naranasan na mapagalitan ng direktor na si Joel Lamangan.
Sinabi naman ni Joel sa presscon ng This Time I’ll Be Sweeter na hindi niya tinarayan o napagalitan ang cast dahil mga professional ang mga bagets. Dumarating sila sa set na handang-handa para sa mga eksena nila na kukunan. Memorized din nila ang kanilang mga linya.
In fairness to Joel, naiimbyerna lang siya sa mga artista na hindi professional at walang respeto sa oras ng mga kapwa artista at production crew.
Kung ako man ang nasa posisyon ni Joel, talagang tatarayan ko ang mga artista na nag-iinarte at feeling mga prima donna sa set, sikat man o hindi.
- Latest