Fans nag-aalala na Ate Vi may iniindang sakit

Absent nga si Congresswoman Vilma Santos noong isang araw sa sesyon ng Kamara, kaya hindi rin siya nakaboto roon sa one thousand peso budget ng CHR (Commission on Human Rights), pero nilinaw niyang kontra siya roon dahil alam niya na may tungkulin din namang dapat gampanan ang CHR. Pero ang mas lalong nakaapekto sa fans ni Ate Vi ay iyong sinasabing inatake na naman siya ng ulcers, at balak nga sanang ipasok na siya sa ospital. Doon mas concerned ang mga tagahanga.

Nagsimula iyan two weeks ago na. Under medication na siya noon, pero dahil sa rami nga ng trabaho, tumatanggi siyang magpa-confine sa ospital, lalo’t sinasabi nga niya na mahalaga ang mga sesyon nila sa Kamara dahil binubuo nga ang government budget. 

“Alam mo naman ako kahit na noong araw eh, basta kaya pa, trabaho muna. Alam mo iyan ang isang magandang bagay na natutuhan ko sa showbusiness, kahit na ano pa iyang nararamdaman mo hanggang makakaya, the show must go on. Kaya nga kahit na noong mayor pa ako, tapos naging governor, sinasabi nila puwede naman daw akong mag-absent. At ang sinasabi ko nga sa kanila, iyan kasi ang nakasanayan ko sa showbusiness.

“Sinasabi ko nga, hindi naman totoong ang mga artista ang may pinakamalalaking kita, pero basta artista ka ang ine-expect sa iyo, iyong ganoong klase ng propesyonalismo. Hindi mo maaaring sabihin na masama kasi ang pakiramdam ko. Magagalit sila sa iyo. Ngayon nga maluwag na sila sa mga artista. Ngayon may naririnig ka nang mga artistang hindi sumisipot sa set dahil biglang sumama ang pakiramdam, at iniintindi naman sila ng mga kasama nila. Pero noong nagsisimula pa lang ako, hindi puwede ang ganyan. Titilian ka ni Maning Borlaza, sasabihin unprofessional ka. Pero sa ganoon kami nasanay at sa palagay ko ok kami roon,” sabi ni Ate Vi.

Pero talagang hindi rin siya pabor doon sa one thousand para sa CHR ha?

“Hindi sa may kinakampihan ako, pero may trabaho ang bawat isa sa amin. Iyang CHR, constitutional body iyan. Hindi mo naman puwedeng alisin iyan. Kung sa tingin mo mali ang ginagawa, ipa-impeach mo sila, pero hindi naman tamang alisan sila ng budget. Hindi ba kontra rin ako sa majority doon sa death penalty bill. Alam naman talo ang kumontra pero ipinakikita ko lang kung ano ang talagang stand ko, kahit na inalisan pa ako ng committee chairmanship,” sabi pa ni Ate Vi.

Pagtiwalag ni Kim sa paghuhubad, too late na!

Sinasabing hindi na raw magpapa-sexy si Kim Domingo.

Aba, hindi matutuwa riyan ang male fans niya, at sa palagay din namin matapos siyang magpa-sexy noong simula at nakilala na siyang ganoon, too late na para iwanan niya ang ganoong image. Kahit na sa social media account niya ay siya mismo ang nagpo-post ng sexy photos niya eh, ano ang gagawin niya ngayon, buburahin niya iyon? Aba mag-post ka lang ng kahit ano, tiyak na may makakapag-save o screenshot na niyan.

Minsan iyan ang pagkakamali ng mga baguhang artista. Hindi na muna sila nag-iisip kung ano ang maaaring ibunga ng isang aksiyon pagdating ng araw. Basta may sinabi sa kanila na ayos iyon, nakita nilang ok sige lang. Tapos pagdating ng araw, at saka nila matutuklasan na hindi pala ok. Too late na para magbago pa.

Show comments