Nang dumating kami sa burol ng dating kasamahan, ang inirerespetong film critic na si Mario Hernando, nadatnan namin doon ang Star For All Seasons na si Congresswoman Vilma Santos, at kakuwentuhan na niya ang Vice Chairman ng MTRCB na si director Maning Borlaza.
Nasabi nga agad ni Ate Vi, “ito ang matagal kong naging director”. Marami ngang ginawang pelikula ni Ate Vi si Direk Maning. Silang dalawa rin ni Leroy Salvador ang nag-direk ng mga malalaking hits noong araw ni Sharon Cuneta. Ngayong 82 na siya, aminado siyang hindi na kaya ng kanyang katawan ang puyatan sa shooting. Ganun pa man, aktibo pa rin si Direk Maning sa industriya. Kinokunsulta pa rin siya ng marami.
“Bakit ka ba magtatayo ng restaurant kung wala namang kakain? Bakit ka magbubukas ng barberya kung wala rin namang magpapagupit? Kaya sabi ko nga hanggang sinasabi nilang hindi naman sila gumagawa ng pelikula para kumita ng pera, walang mangyayari sa atin. Bakit nga ba tinatawag natin itong isang industriya? Kailangan lahat ilagay nila sa ayos. Kung papaanong ginagawa noong araw, na makikita mo naman sa kabila ng kakulangan sa equipment, kaliitan ng budget, nakakagawa tayo ng mga pelikulang nagugustuhan ng publiko, ganoon sana dapat,” sabi sa amin ni Direk Maning.
“Natatandaan mo ba noong araw noong napag-usapan natin, papaano ba tatapusin iyong Bituing Walang Ningning ni Sharon. May kuwento na tayo eh. Lumabas iyan sa komiks. Nabasa iyan ng maraming tao dahil alam mo naman sa komiks noong araw. Hindi ba pinag-usapan natin ang ending. Binago natin ang ending ng istorya. Doon sa original magkasabay ang concert nina Dorina at Lavinia, at mas maraming tao ang concert ni Dorina. Pero ano ang ginawa natin, pinagsama natin sa iisang concert sina Sharon at Cherie (Gil), mas maraming fans si Sharon, pero iiwan niya ang stage kay Cherie at sasama siya kay Boyet (De Leon). Mas pipiliin niya ang love kaysa sa career. Ano ang nangyari, sa sinehan iyong ending ng pelikula pinapalakpakan ng tao, at hanggang gabi puno ang sinehan. Isa lang ang dahilan noon, ibinibigay natin sa audience kung ano ang gusto nilang makita.
“Gusto ng audience na iyong love ang mangibabaw, iyon ang ibinigay natin. Kaya ang dapat isipin ng mga gumagawa ng pelikula, kung ano ang gusto ng audience iyon ang ihain natin,” sabi ni direk. “Natatandaan ko noong araw, nasa shooting pa lang kami ng pelikula, talagang umaandar na ang promotions. Hindi ba nagpupunta pa kayo sa set, at saka iyang promotions, mahalaga iyan sa pelikula. Manonood ang mga tao sa mga unang araw dahil sa promo. Kung maganda ang pelikula mo, mabilis kakalat na maganda ang pelikula, magiging malaking hit iyan.
“Tingnan mo na lang iyang Colgate, mas malaki ang gastos nila sa advertising kaysa sa toothpaste. Hindi na nga toothpaste ang tawag eh, Colgate na.
“Ganyan kahalaga iyang promotions at advertising. Eh tingnan mo ngayon, ni wala ka nang makitang movie ads sa mga diyaryo, sino ang manonood niyan?
“Ang nakakalimutan ng mga gumagawa ng pelikula ngayon iyong marketing. At saka kailangan may panggulat. Natatandaan mo ba iyong Dama de Noche ni Vi, may binago rin ako sa istorya noon. Ginawa kong dual role si Vi. Ginawa ko iyon para may maiba. Naglalaro tayo noon sa istorya dahil iyon ang pinanonood ng mga tao. Kung si Vilma lang ang gusto nilang makita, manood na lang sila ng TV. Pero nagbabayad sila dahil gusto nilang mapanood si Vilma na iba ang kuwento, at hindi nila iyon mapapanood sa TV. Eh ngayon, iyan ang ginagawa sa TV, tapos iyong mga pelikula natin hindi mo maintindihan ang kuwento. Ano nga ba ang mangyayari,” kwento pa ni Direk Maning. Tapos marami na ngang dumating na tao, tinakasan na niya kami.
Pero sa lahat nang sinabi ni Direk Maning, “Amen” lang ang maisasagot namin.