Nakita lamang na nagkasama sina Congresswoman Vilma Santos at si Nora Aunor sa isang event, may mga nangarap na agad na sana magkasama silang muli sa isang pelikula. Ok naman sana iyon kaya lang dahil sa rami ng trabaho ni Ate Vi sa kongreso, iyon ngang mga pelikulang iniaalok sa kanya ay nakapila, at may mga nauna na siyang commitment na gagawin oras na magkaroon siya ng panahon, hindi ba mapapasama naman siya kung gagawa siya ng isang pelikulang kasama si Nora na wala naman talaga sa line up niya? Nakakahiya rin iyon sa mga producer na una na niyang nasagutan at naghihintay lang ng kanyang availability. Nakakahiya rin sa ibang mga artistang nasabihan nang may gagawing project at hihintay na lang si Ate Vi, tapos may gagawin siyang iba.
Ever since naman ganoon si Ate Vi eh. Ang mga pelikula niya may line up. May mga pagkakataong hindi makapaghintay ang producer, mawawala na iyon pero iyong next in line naman ang kanyang priority basta may panahon siya. Nangyari na iyan eh. May iniaalok sa kanyang pelikula noon tungkol sa isang bagyo, pero kailangang tapusin agad kasi ang unang plano ita-timing iyon sa pagbisita sa Pilipinas ng Santo Papa. Eh may ibang pelikulang naka-line up, at ayaw naman ng producer na ibigay ang kanyang slot sa iba, hindi iyon tinanggap ni Ate Vi kaya napunta sa iba. At huwag i-deny dahil may kopya nga kay Ate Vi ng script ng pelikulang iyon.
Pero maganda nga sana kung magkasama sila ni Nora, dahil matutulungan niya ang kumare niya na mag-pick up ang career kahit na papaano. Tiyak na mainstream movie iyan at natural ang talent fee ay hindi kasing liit ng bayad sa mga indie na ginagawa ni Nora ngayon. Ikalawa, tiyak na maipapalabas iyan sa mga commercial theaters, na hindi nangyayari sa mga pelikula ni Nora lately.
Alam naman ninyo si Ate Vi, kung makakatulong siya kahit na kanino, sige lang. Pero ang problema, papaano ang priorities? Papaano ang mga proyektong nakalinya na nasagutan na niya? Kami, sa palagay lang namin, kung mangyayari iyan, baka mga tatlong taon pa ang hihintayin nila.
Film Workers Summit kailangan pa ng tao
Lumalabas na hindi napansin iyong Film Workers Summit na isinagawa kamakailan lang. Una, wala raw halos dumating na mga artista. Actually masasabi ngang walang artistang sikat. Iyong UP Theater, ni hindi nila nakalahati. Mukhang matabang ang mga manggagawa ng industriya sa bagay na iyan.
Siyempre ang sasabihin ay wala naman silang suporta doon sa mga nag-iisip na matulungan sila. Pero hindi mo sila masisisi dahil napakarami ng lider ng industriya na nagsabi ng mga ganyang proposals noong araw na wala namang nangyari. Hindi iyan maaayos ng mga guild o ng alinmang ahensiya ng gobyerno. Naniniwala rin kami na dapat ay magkaroon ng isang workers’ union, kagaya sa US at sa Europe. Kung hindi wala ring mangyayari riyan. Lalong walang mangyayari kung ang mamumuno ay mga baguhang wala pang alam sa takbo ng industriya. Hindi pinaglalaruan iyan. Hindi iyan pinag-aaralan kung nandiyan na. Kailangan pag-aralan muna bago gumawa ng aksiyon para magkaroon ng resulta.
Isang pelikula flappy bird sa takilya
Kapag ang isang kumpanya ng pelikula ay umamin na ang kinita ng kanilang pelikula sa loob ng isang linggo ay halos kalahati lamang ng karaniwang kinikita ng kanilang mga pelikula sa loob lamang ng apat na araw, maliwanag na ang pelikula nga ay “flappy bird”.
Pero ang kasunod na punto ay ito. Kung ang mga artista ng pelikulang iyan ang makakasama mo sa kasunod mong pelikula, humanda ka na “flappy bird” pa rin ang mangyayari sa iyo. Talagang dapat ang lahat ay pinag-iisipang mabuti.