Serye nina Paulo, Ritz at Ejay papasa sa abroad

Sinasabi nilang pinakamagastos na serye sa telebisyon iyang The Promise of Forever, na magsisimula nang mapanood sa darating na Lunes. Talagang magastos nga siguro, dahil una, napakalaki ng cast. Isipin ninyong pinagsama sina Ejay Falcon, Ritz Azul, at Paulo Avelino. Tapos nag-taping pa sila sa Europe. Hindi nga biru-biro ang gastos niyan.

Iyong mga artista nila, dahil sa dinala pa nga nila sa abroad, walang ibang trabahong magagawa iyan kung hindi iyon lamang serye, at natural lang na sa ganoong sitwasyon, bayaran naman sila ng mas malaki. Marami rin naman kasing sideline ang nawala sa kanila.

Mas magastos sa mga bansa sa Europe kaysa sa US o sa alinmang bansa sa Asya. Tinapos pa nila roon ang serye. Isipin ninyo, iyon lang tinirhan nila roon, iyong dami ng kanilang production people, pati na iyong permit para sila makapag-shoot. Malaking gastos nga iyan.

Pero ginawa nga nila lahat iyan, at kung talagang gusto mong gumawa ng isang seryeng pang-world class, ganyan talaga ang gagawin mo. Makikita mo ang gusto nilang gawin talaga, makagawa ng isang serye na matatanggap sa ibang bansa. Hindi kami magtataka kung isang araw ay malaman na lang natin na iyang The Promise of Forever ay inilalabas na sa mga cable channel sa Europe. Iyon ang kailangan nating gawin para mapalawak ang audience ng mga obrang Pilipino.

Kung may magkaroon ng interest matapos na mapanood ang seryeng iyan sa abroad, hindi rin malayong hanapin nila sina Ritz, o si Paulo o si Ejay para palabasin sa kanilang mga pelikula o serye rin sa telebisyon. Iyan ang pinakamagandang hakbang para mas maging malawak ang audience at ang market ng mga artistang Pilipino. Makilala naman ang mga Pinoy na mga artista, hindi iyong pagdating sa abroad, ang pagkakakilala nila ay mga Pinoy ay domestic helper.

Female star nangangarap magwagi sa Eddys

Natawa kami sa ipinadala sa aming personal message ng isang baguhang female star. Sabi niya, kung sakali raw at sumikat siya talaga, papangarapin niyang manalo sa The Eddys. Sa URIAN at sa CMMA. Kasi ang mga iyon pala ang talagang prestigious at pinaniniwalaan ng lahat.

Mayroon din namang naniniwala sa iba, ang sinasabi nga lang namin, ang mga nasabing award giving bodies ay iyong walang nababalitang anumang bahid ng anomalya.

Ate Vi hindi binigo ang fans

Nang magpunta siya sa isang event noong isang gabi, bantulot na nga ba si Congresswoman Vilma Santos na tumuloy. Una, sumumpong ang kanyang ulcers the day before. Matagal na niyang sakit iyan, kasi alam naman ninyo ang buhay ng mga artista, noong araw dahil sa trabaho nalilipasan siya ng gutom.

May mga nagsa-suggest nga na puwede naman siyang huwag tumuloy at ipaliwanag na lang kung bakit, pero nang malaman niya na naroroon na ang kanyang fans na naghihintay, at saka nagkaroon nga siya ng prior commitment na darating siya, nagpilit pa rin si Ate Vi.

Pagdating doon, ni walang nakahalata na may nararamdaman siyang wala sa ayos. Pagkatapos ng event, hinarap pa rin niya ang kanyang fans kahit na sandali lang, tapos pinaliwanagan na lang ang mga iyon na masama talaga ang pakiramdam niya. Pagsakay pa lang niya sa sasakyan, nag-throw up pa si Ate Vi. Talagang matindi iyon. Pero dahil sa commitment, sige lang.

Kung may nagtataka man kung bakit mukhang pagod si Ate Vi, dahil iyon sa may sakit nga siya.

 

Show comments