Hindi po kami kasama sa alinmang award giving bodies. Nakasama na po kami sa ganyan in the past, at dahil sa mga nasaksihan naming mga anomalya sa awards, minabuti naming umiwas na sa mga ganyan. On record, dalawang ulit na po kaming umalis sa isang award giving body, at iisa ang dahilan, ayaw naming makasama sa anumang anomalya.
Kaya ngayon gusto naming baliktarin ang sitwasyon. Gusto naming bigyan ng “award” ang mga award giving bodies.
Sa taong 2017, ang masasabi naming pinaka-credible, kapani-paniwala ang desisyon at walang narinig na bahid ng lagayan, palakasan, mga under the table na kundisyon para dumalo ang mga artista, o ano mang iba pang nangibabaw na interests ay iyong The Eddys Entertainment Editors Awards. Talagang pinangatawanan ng mga kasapi ng nasabing award giving body ang kanilang pagiging parehas. Eh kasi lahat naman sila mga entertainment editors ng mga inirerespetong diyaryo, at kung mapupulaan sila, pati ang diyaryo nila ay damay. Kaya nga siniguro nila na wala silang ibang batayan kung hindi artistic excellence. Sino rin ba ang makakaangal kung sasabihin na sila ang mga lehitimong kritiko sa hanay ng entertainment press?
Number two sa listahan namin iyong mga Manunuri ng Pelikulang Pilipino (Gawad Urian). Simula kasi noong una, wala ring nababalitang katiwalian sa awards na iyan. Kaya nga lang, aywan kung bakit nawala iyong dati nilang pamantayan na ang mga miyembro nila ay dapat na gumagawa ng mga film review ng mga pelikula sa buong taon. Siguro dahil iyon sa katotohanan na iilan na lang naman ang mga tunay na peryodista sa kanilang hanay.
Pangatlo sa aming listahan ang Catholic Mass Media Awards. Walang lagayan iyan, at wala silang pakialam, iyon nga lang ang nasa criteria nila ay strict Christian values. Hindi ka makakalusot diyan kung medyo hindi ka magandang example.
Marami pang ibang nagbibigay ng awards. Maraming mga iskuwelahan na pinasok na rin ang pamimigay ng awards. Napag-uusapan nga naman ang kanilang mga awards kahit na sa social media lang. Pero minsan may katanungan sa mga awards na ganyang klase.
Una, sinu-sino nga ba ang kanilang mga botante? Masasabi bang ang kanilang mga miyembro ay marunong talaga kung papaano ginagawa ang isang pelikula, o ang batayan lang ba nila ay kung nag-enjoy sila o hindi? Papaano ginagawa ang kanilang botohan, at pagkatapos bumoto, mayroon bang isang lehitimong accounting firm na maaaring magpatunay na ang mga idedeklara nilang nanalo ay iyon ngang pinili ng kanilang mga member, o naging sila-sila, kami-kami, tayo-tayo ang pagbibilang ng boto? Maaari bang masiguro na hindi nagkaroon ng “dagdag-bawas”? Kung sakali ba at may magtanong pagkatapos, may isang accounting firm na mananagot, makapaglalabas ng mga balota at makakapag-recount?
Kung ang lahat ng mga bagay na iyan ang siyang kunsiderasyon para mabigyan ng isang mabuting ratings ang isang award giving body, aba hindi nga lahat ay lulusot. Pero iyang mga awards, kanila lang naman talaga iyan. Ginagawa nila, at bahala na kung paniniwalaan sila ng publiko, o matatanggap ng karamihan ang kanilang choices. Pagkatapos ng awards, natural may tanong kung “bakit naman nanalo iyon”. Pero walang may karapatang magtanong dahil kanila iyon eh. ‘Di huwag kang maniwala kung ayaw mo. Iyang mga nagbibigay ng awards, kagaya nga ng sinasabi namin, wala silang obligasyong ipaliwanag kung sino man ang napili nilang winners. Kanila lang naman iyon. Hindi naman nila masasabi na ang ipinapanalo niya ang pinakamahuhusay nga. Kaya puwedeng manalo kahit na ang isang tunggak basta siya ang ibinoto ng mga miyembro ng isang award giving body. Nasa publiko na iyan kung paniniwalaan nila ang isang tunggak na desisyon.
Marami namang mahuhusay na awards, pero mayroon nga ring awards na tunggak.