Ipinagkaloob kay Congresswoman Vilma Santos ang Natatanging Gawad Urian, pagkilala sa kanyang naging kontribusyon sa industriya ng pelikula bilang aktres. Si Ate Vi ay walong ulit nang nanalong Best Actress sa Urian. Kaya siguro nga naisip naman nila na panahon na para sa isang natatanging gawad.
Iyon namang ibang award giving bodies, nominated pa rin si Ate Vi. Nanalo siya kamakailan sa The Eddys bilang Best Actress. Ang katuwiran ng ibang award giving bodies, aktibo pa naman bilang aktres si Ate Vi kahit na nga sabihing bihira na rin siyang makagawa ng pelikula dahil sa kanyang iba pang tungkuling kailangang gampanan. Pero paminsan-minsan, nakakasingit pa rin naman siyang gumawa ng pelikula lalo na at may magandang proyektong iniaalok sa kanya.
Iyon kasi ang malaking kaibahan ni Ate Vi sa ngayon. Noong araw, ang pagiging artista ay isang propesyon para sa kanya. Talagang ito ang kanyang hanapbuhay. Ngayon, dahil sa naging katayuan nga niya sa buhay, at noong panahong isa siyang aktres ay nakapag-ipon naman siya ng pera, bukod pa nga sa mga napasukan niyang negosyo, makakapamuhay na siya nang walang problema. Sa pulitika ay alam naman nating walang kita at kadalasan abono pa, kaya nga siya gumagawa ng pelikula kung minsan, “para may pang-abono”. Kung minsan ang kita niya bilang artista, itinutuloy na niya sa foundation na itinatag niya para tumulong sa mga mahihirap.
May plano rin siyang isa pang foundation para naman sa Vilmanians. Marami pang iniisip na proyekto si Ate Vi na makatutulong sa industriya at sa mga taong gumagalaw dito. Kaya palagay namin bagay nga sa kanya iyang “natatanging gawad” na iyan.
Isko isang taon lang sa posisyon
Si Isko Moreno na ang chairman ngayon ng North Luzon Railways Corporation, isang government owned and controlled corporation na mangangasiwa sa pagtatayo at pagbubukas ng isang mass railway project para sa gitna at hilagang Luzon.
Noong araw, iyan namang tren ay talagang umaabot hanggang Pangasinan. Natatandaan namin ang una naming pagpunta sa Baguio noong bata pa kami, sumakay kami sa tren hanggang Pangasinan, tapos may mga bus na siyang maghahatid naman sa amin paakyat sa Baguio. Mas ligtas ang biyahe sa tren, mas matipid at sa sistema ng mga tren sa ngayon, mas mabilis na ang biyahe. Pero aywan kung aabutin pa ni Isko ang pagtakbo ng mga tren na iyan. Kasi iyong kanyang appointment bilang chairman ay matatapos sa June 30, 2018. Hindi naman matatapos iyang proyektong iyan ng isang taon lang.
Pagdating ng 2018, hindi natin masasabi kung iisiping muli ni Isko na tumakbo sa pulitika. Pero at least, mapapakinabangan pa ng isang taon ang nalalaman niya sa handling ng ganyang proyekto.
Xian Gaza kulang pa sa pansin!
Nakikiusap iyong si Xian Gaza na itigil na ng TV5 ang pagbabalita tungkol sa pagkaka-reject ni Erich Gonzales sa imbitasyon niyang makapag-kape sila. Eh sino ba ang nag-umpisa? Kung ang kanyang imbitasyon ay hindi na niya inilagay sa isang billboard na nakikita ng lahat ng bayan, aba eh papansinin ba siya ng TV5?
Iyong pagbabalita ng TV5, dahil lang sa gusto nilang malaman ng bayan ang nangyari sa imbitasyon sa billboard na iyon. Kung napag-uusapan siya, sino ba ang may kasalanan?