Inamin naman nilang talagang dati hindi sila kumukuha ng product endorser na Pinoy. Umaasa lang sila kung anong advertising material ang ipadala at ipagamit sa kanila ng kanilang mother company. Isa kasing multinational company ang Nivea at sa natatandaan namin, bata pa yata kami mayroon na niyan.
Ngayon, for the first time ay kumuha sila ng isang Pinay, ang aktres na si Yassi Pressman, para maging endorser ng kanilang produkto para sa kili-kili. Nakakatuwa dahil ibig sabihin napansin na nila ang kagandahan at ang potentials ng mga Pilipino. Samantalang may mga kumpanya sa Pilipinas na ang kinukuha namang endorsers ay mga dayuhan, sa kabila ng katotohanang marami namang Pinoy na puwede at mas nakalalamang pa nga sa mga dayuhan, aba eh nagpipilit pa rin silang mga foreigner ang kanilang endorsers. Umiibabaw pa rin iyong kaisipang kolonyal.
Kaya nga nakakatuwa, kasi narito ang isang multinational company na ang kinuha naman ngayon ay isang Pinay. Dahil diyan, naniniwala kaming mas susuportahan ng maraming Pinoy ang kanilang produkto. Kasi nagpakita naman sila ng pagpapahalaga sa Pinoy.
Iyan namang si Yassi, bukod nga sa pagiging isang aktres ay talaga namang hataw rin bilang isang commercial endorser. Isipin ninyo, sa taong ito lamang pala, nakagawa na siya ng 17 product endorsements. Kaya naman siguro siya kinukuha nang ganyan ay dahil nakikita ng mga tao ang kanyang potentials bilang isang endorser, at saka maganda naman kasi ang image niya.
Kasabay noon, humahataw din naman ang career niya bilang isang aktres dahil maganda ang ratings ng mga nasasamahan niyang TV show, Ang Probinsyano at may nakatakda na namang simulang hindi lamang isa kung di dalawang pelikula raw. Ang tindi talaga ni Yassi.
Bagong pelikula nilangaw
Malungkot na ibinalita sa amin ang tungkol sa mga pelikulang Pilipino na naghingalo na naman sa takilya nitong mga nakaraang araw. Kahit na limitado lang ang kanilang sinehan, hindi pa sila tumagal dahil wala talagang nanonood.
Sinasabi nila, magaganda naman daw ang mga pelikula at may posibilidad na maisali sa festivals sa abroad, pero iyon nga ang sinasabi naming problema. Gumagawa lamang sila ng pelikula na ang nasa isip ay mga festival sa abroad. Hindi nila iniisip ang pelikulang magugustuhan ng local audience para sila kumita. Natural lang sa mga tao ang ganoong feeling. Hindi nga iniisip ng mga iyan kung ano ang gusto nilang mapanood noong gawin nila ang mga pelikula nila eh, bakit hihingin naman nila ang suporta ng mga tao? Kaya ang nangyayari puro flop sila.
Aktor humpak na ang hitsura!
“Pumapayat siya. Hindi na siya pogi,” ang comment ng ilang fans tungkol sa kanilang idol. Kaya pala naglilipatan na raw sila sa isang mas pogi ngayong baguhan. Iyan ang isa pang problema ng mga artista. Hindi sila conscious sa hitsura nila. Nangangalirang na, sige pa rin sa bisyo. Iyong iba naman ay lumolobo na sige pa rin sa kain. Kung ga-balyena na at saka magsisisi.
Bago naman dumating sa ganoong point, nakalipat na ang fans nila at laos na sila. Eh ang dami kasing artista ngayon at lahat naman halos may mga hitsura. Kaya iyang mga mas naunang artista, kung hindi mag-iingat, baka malaos na sila bago pa man sumikat nang husto.