P1 Milyon na bigay ni Boy Abunda kay Nora di raw napunta sa pagpapagamot

Nakabalik na sa Pilipinas si Nora Aunor mula sa Singapore kung saan siya sinasabing sumailalim ng voice therapy para muling makakanta kung sakali. May napuntahan daw siyang mga expert sa therapy doon na nakatulong naman sa kanya, pero kailangang ipagpatuloy iyon kahit na sa Pilipinas na siya. Mayroon namang ibang voice therapist na tutulong sa kanya rito.

Sa Singapore, nagpunta rin siya sa isang Bible exposition ng Ang Dating Daan, at nakita naman iyan sa telebisyon. Ngayon sinasabi na niya na Ang Dating Daan ang gumastos sa kanyang trip sa Singapore, pati na rin sa kanyang kasamang si John Rendez at isa pang alalay. Binigyan pa diumano siya ng pocket money na five hundred dollars. Nagpapasalamat si Nora sa founder ng Dating Daan na si Bro. Eli Soriano dahil sa pagtulong sa kanya. Sinabi pa rin daw noon na kung kukulangin pa siya sa pang-gastos ay maaari pa siyang humingi ulit.

Iyan namang Dating Daan na pinamumunuan nga nina Eli Soriano at Kuya Daniel Razon, talagang tumutulong iyan sa mga kailangang magpagamot, at walang pampagamot.

Pero ang tanong, talaga nga bang makukuha pa sa therapy ang boses ni Nora samantalang noong una ay sinasabing kailangan siyang sumailalim sa isang operasyon ulit. Ano na nga ba ang nangyari roon sa sinasabi niya noong doctor na umopera rin ay Julie Andrews?

In fairness, marami na rin naman ang tumulong kay Nora para maibalik ang kanyang boses. Hindi nga ba’t sinasabing isang milyon ang ibinigay sa kanya ng TV host na si Boy Abunda para roon, pero aywan kung bakit hindi natuloy ang kanyang pagpapagamot noong araw.

Ngayon sana magtuluy-tuloy naman, lalo’t handa naman pala ang Da­ting Daan na tustusan ang kanyang pagpapagamot kung kailangan.

Juday sa Indie nasilat

Talagang lahat ay pinag-aaralang mabuti ni Judy Ann Santos ngayon, kasama ang kanyang team dahil takot din naman siyang pumalpak sa kanyang pagbabalik.

Talagang mahirap iyang ginagawa ni Juday ngayon dahil matagal siyang nawala eh. Iba na nga ang fans ngayon, hindi na iyong dating fans niya. Ang masakit pa roon, ang huling proyektong ginawa niya bago siya nagpahinga ay hindi pa naging isang hit. Indie iyon na hindi naman kumita.

Actually doon siya nasilat. Commercial mo­vies kasi ang talagang ginagawa ni Juday noon at suportado naman siya ng kanyang fans. Pero mukhang hindi nila nakumbinsi ang kanyang fans noon na suportahan din ang kanyang ginawang indie film, naging flop iyon.

Ngayon sa palagay namin maka­kabalik pa naman si Juday pero hindi na niya dapat asahan na babalik pa ang kanyang popularidad na kagaya noong araw. Iba na ang mga artistang tinitilian ng bagong breed ng mga fans.

Palagay namin ang fans ngayon ay hindi naman niya makukuha. Iyon namang mga dati niyang fans, karamihan ay matured na, may pamilya na rin at hindi na makakasuporta na kagaya noong dati.

Ganyan naman talaga ang artista basta nagpahinga na.

Show comments