Ang daming nagrereklamo sa rami ng nagbibigay ng mga award. Ngayon nga yata kahit na isang elementary school sa probinsya ay nagbibigay na ng awards sa pelikula at telebisyon. Sa pelikula hindi pa masyado eh, pero ang mga TV network ay talagang aligaga namang tumanggap ng awards kahit na sino pa ang nagbibigay.
Dahil diyan, sinasabi nga nila na wala nang pumapansin sa mga award. Manalo ka ngayon, mamaya lang wala na iyan dahil may panibago nang nabigyan ng award. Hindi kami magtataka kung isang araw ay magbigay na rin ng awards ang mga sidewalk vendors sa Quiapo at ang mga miyembro ng KADAMAY. Lahat naman kasi may karapatang magbigay ng award. Ang natutuwa lang naman diyan ay ang binibilhan nila ng trophy at plaque sa Raon sa Quiapo.
Pero bakit ba dumami ang awards? Nagsimula iyan nang iisa lamang, iyong Maria Clara Awards. Binubuo iyon ng mga kritiko, mga peryodista, mga artista at manggagawang teknikal sa pelikula. Noong malaunan, iyan ay ginawang FAMAS. Pero iyong FAMAS ay nabugbog sa kung anu-anong controversy at usapan ng alingasngas. Kaya noong 1975 kung hindi kami nagkakamali, ginawa ng industriya iyang Film Academy Awards. Gusto ng industriya na mabuwag ang FAMAS, pero namagitan ang noon ay Censors chief at presidential assistant na si Guillermo de Vega. Kinausap niya ang magkabilang panig na mag-co-exist. Pero hindi rin nakalibre ang FAP awards, dahil nabatbat naman iyon ng mga nanalo dahil nagkampanya sa mga miyembro ng guilds na siyang bumoto sa kanila.
Doon na nagsimulang maglitawan ang iba pang mga award giving body na hindi kuntento sa resulta ng mga nauna. Iyon namang FAMAS, umalis ang mga miyembrong dismayado, pinalitan nila iyon ng mga bagong miyembro hanggang sa ang lumitaw ang mga taong ni hindi kilala sa industriya at lumilitaw lang kung awards night na.
Dumami ang nagbibigay ng awards, kasi lahat naman natsismis na may anomalya. Iyong mga award giving bodies, binubuo ng mga pro ng mga pelikula, programa sa telebisyon at mga artista. Natural naroon ang personal na interest. Kaya ang gagawin naman noong iba, para manalo ang mga alaga nila, magtatayo naman ng sarili nilang award giving bodies. Kaya hindi matitigil iyang pagdami ng mga awards na iyan. Kahit sinong hotoy-hotoy nagbigay ng awards, para rin iyang foreign film festivals.
Iisa ang nakikita naming solusyon diyan. Kung magkakaroon ng isang award giving body na walang mababalitang anomalya, walang mababalitang mga personal na interests, at makukuha ang respeto ng publiko, mawawala iyang mga kangkungan awards diyan. Kailangan lang talaga, may isang award giving organization na paniniwalaan at siyang magiging standard talaga, na wala sa ngayon.
Kailangan makapagbigay ng award na walang kuwestiyon. Iyong hindi tatanungin kung bakit iyon ang mga nanalo. Iyong wala kang maririnig na mga bulungan pagkatapos na may “nalapitan” na namang miyembro ng award giving body. Ang lakas ng tsismis sa showbiz eh, hindi mo maitatago iyang mga ganyang anomalya. Hindi ka puwedeng magpanggap na malinis ka kung “tumatanggap ka rin”. Hanggang walang awards na hindi nakabatay sa “tanggap system” aba eh wala na nga sigurong maniniwala sa mga awards na iyan.