Mukhang hindi nga naging maganda ang pagbabalik ni Kris Aquino sa telebisyon. Hindi umubra ang dating presidential sister sa ratings, dahil mismong ang survey ng AGB Nielsen, na siyang pinagtitiwalaan ng GMA 7 ang naglabas na nakapag-rehistro lamang si Kris ng 3.7% na audience share. Mababang ‘di hamak iyan sa 4.2% na nakuha ng show ni Vice Ganda.
Mukhang nag-suffer din ang content ng kanyang “special” dahil ang naging subject niya ay mga pasyalan at pagkain. Nauna roon, napanood namin ang Kapuso Mo, Jessica Soho na ang tinalakay din ay ang mga pagkaing Pilipino mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Tinalakay ni Jessica kung saan nga ba nagsimula ng mga pagkaing iyon, at kung papaano iyon niluluto. Sa kaso ni Kris, ipinakita lamang na tinitikman niya ang iba’t ibang lutuin.
Dahil magkasunod ang show, at halos pareho sila ng topic na tinalakay, maraming nakapanood ang gumawa ng comparison. Napanood din namin ang dalawang show, at ang masasabi namin, walang-wala si Kris bilang host kung itatapat kay Jessica Soho.
Pagkatapos na umere ang said special, nagsimula nang magsalita si Kris laban sa producer ng kanyang show. Sinabi niyang ginamit lang daw siya dahil ang anak nito na si Renan Morales ay may balak na kumandidatong bise-gobernador sa susunod na eleksiyon. May nabanggit pa siyang delayed daw ang bayad sa kanya. Patapos din niyang sinabing “hindi na mauulit iyan”, at nagpalit pa nga raw siya ng number ng telepono dahil ayaw na niyang makausap ang mga iyon.
Aywan kung ano naman ang sasabihin ngayon ng producer ng show na isang self confessed fan ni Kris kaya siya nag-produce ng show noon. Puro magaganda rin ang sinabi ng producer tungkol sa ex-presidential sister sa isang press conference na kanyang ipinatawag. Hindi rin naman siguro niya akalain na magsasalita nang ganoon si Kris laban sa kanila, matapos niyang mamuhunan ng malaki.
Maliwanag din ngayon na ang producers niya ang nagsikap ng lahat, pati na sa pagbabayad ng airtime para mai-air ang kanyang show. Hindi iyon dahil sa kinuha siya ng GMA 7, o dahil sa naging pagsisikap ng APT na nauna niyang sinabing gagawa ng TV show niya.
Senakulo na mga artista ang bida, naglaho na
Isa lang ang aming nami-miss kung ganitong Mahal na Araw. Dati, laging may isang malaking senakulo na ang mga sikat na artista ang gumaganap. Madalas na Kristo noon si Mat Ranillo III. Lagi nilang kinukuhang Hudas ang yumaong actor na si Ben David. Maging ang batikang aktres na si Rita Gomez ay lumalabas din sa mga senakulo noon.
Ngayon ay wala na ngang gumagawa ng ganoon. Ang isang sinasabi nilang dahilan, marami raw kasi sa mga artista ay mga “born again” na, at natural hindi iyan sasama sa tradisyon ng mga Katoliko.
Pero sayang dahil may market ang mga ganyang palabas, at kung talagang maganda naman, maraming manonood. Natatandaan namin, minsan sa Araneta Coliseum pa nila ginawa iyon at napuno naman nila ang venue.
Mas may market pa nga ang mga ganyang palabas kaysa sa mga pelikulang indie. Kaya nga marami ang nanghihinayang na wala nang gumagawa ng mga ganyang palabas sa ngayon, kung mayroon man, maliliit na grupo na lang siguro.
Sana sa mga susunod na pagkakataon, maisip nilang i-revive iyang senakulo.