MANILA, Philippines - Gagawin ng isang nanay ang lahat para proteksyonan ang kanyang pamilya pero paano kung kanyang matuklasan na ang tinatago n’yang madilim na nakaraan ay muli na namang maulit nang molestyahin ng isang lalaki ang kanyang anak?
Ngayong Sabado, panoorin natin ang totoong kwento ni Emilia – isang ginang na may hindi magandang karanasan sa buhay pero natutong lumaban para sa kanyang pinakamamahal na anak na si Lisa.
Sa murang edad na limang taon ay minolestya na si Emilia ng kanyang stepfather at lolo.
Itinago n’ya ito sa kanyang ina na si Cora dahil sa takot.
Minsan, nahuli ni Cora si Emilia na ginagahasa ng kanyang lolo. Agad na sumaklolo si Cora subalit s’ya ay ginahasa rin. Dahil dito, nabuntis si Cora.
Nagsampa ng kaso sina Emilia pero dahil nabaliw si Cora, mas pinili na lang ni Emilia na asikasuhin ang kanyang ina at bagong kapatid.
Napunta si Emilia sa kanyang tiyahin. Nakapag-aral siya at nakatapos ng kolehiyo. Nagkaroon din siya ng magandang trabaho at dito niya nakilala si Richard. Ikinasal sila at nagkaroon ng mga anak.
Pero matapos pag-aralin si Richard ay naging madamot ito kina Emilia. Nauwi sa hiwalayan ang kanilang relasyon.
Isang araw, nakilala ni Emilia si Daniel. Gusto siya ni Daniel pero isinarado ni Emilia ang kanyang puso. Pero ginawa nito ang lahat.
Nagsama sina Emilia at Daniel. Maayos na sana ang lahat pero si Daniel ay sobrang hilig makipagniig. Kahit pagod si Emilia ay pinipilit niya ito.
Isang gabi, tinanggihan ni Emilia si Daniel.
At dahil dito, minolestya ni Daniel si Lisa!
Paano ngayon ipaglalaban ni Emilia si Lisa?
Kaya nga bang talikuran ni Emilia ang pag-ibig niya kay Daniel para sa kanyang anak?
Ngayong Sabado, March 25, tunghayan natin sa Magpakailanman ang INA ANAK BIKTIMA
Itinatampok sina Yasmien Kurdi, Jackie Lou Blanco, Kier Legaspi, Marco Alcaraz, Arthur Solinap, Lou Veloso, Mel Kimura, Elijah Alejo, Froilan Sales, Nicole Dulalia, Chingay Riego at Jayzelle Suan.
Sa ilalim ng mahusay na direksyon ni Gil Tejada, Jr., huwag palampasin ang Magpakailanman ngayong Sabado pagkatapos ng Pepito Manaloto sa GMA-7.