MMFF inaasahang makakaahon sa pagkalugi
Ang latest “change” ngayon ay ang pagkakasali ni Congresswoman Vilma Santos Recto at Senadora Grace Poe Llamanzares sa MMFF (Metro Manila Film Festival) executive committee.
Si Ate Vi ay isang kinikilalang aktres at haligi ng industriya ng pelikula. Si Senadora Grace naman ay unang napasok sa showbiz nang maging chairperson ng MTRCB bago kumandidatong senador, although kilala siya ng mga taga-showbiz bilang adopted daughter ng hari ng pelikula na si Fernando Poe, Jr. at Susan Roces.
Kaya siguro nga ang personalidad at popularidad ng dalawa ang inaasahan nilang makakasangga kung ano man ang mga kritisismo sa MMFF na nitong nakaraang taon ay walang dudang nalugi.
Iyon ang pinakamalaking dagok sa MMFF, dahil sa paghahangad nila sa sinasabi nilang pagbabago, nasisi sila kung di man nagmukhang katawa-tawa dahil ngayon lang nangyaring bumagsak nang todo ang box office returns ng mga pelikula.
Halata rin ang kakulangan nila ng kasanayan sa pagtatapos ng festival na nagkaroon pa ng kung anu-anong controversy, pati na ang walang awang pagkatay ng hayop, at hindi nila maikakaila na iyon ay pinili at pinalusot ng kanilang selection committee.
Hindi natin maikakaila na kailangan pa rin ang old hands, iyong may kasanayan na talaga sa festival.
Natatandaan namin noong araw na halos single handed ay napapatakbo iyan ni Rolfie Velasco nang walang problema. Si Rolfie rin ang tumatayong spokesperson noon ng festival at walang lumalabas na palpak na statements. Hindi kagaya noong nakaraang taon na sila pa mismo ang nagpapalabas ng mga depekto ng mga pelikulang kasali at nang-aaway sa ibang producer na namumuhunan sa pelikula gustong makasali.
Siguro nga mas magkakaroon ng sense kung talagang magkakaroon ng panahon sina Ate Vi at Senadora Grace na umupo diyan sa execom at hindi magpapadala lamang ng representatives. Isa pa, makikinig ba talaga sa kanila iyong matitigas ang ulo na nananatiling nasa execom?
Maxine, bagets ang gusto
Magsu-showbiz na rin daw si Maxine Medina. Nakagawa naman na siya ng pangalan dahil sa pagsali niya sa 2016 Miss Universe, kahit na nga sabihing may hindi magagandang comments sa naging performance niya. Maganda naman si Maxine at pwede ring mag-artista.
Pero natawa kami sa isang napanood naming TV interview ni Maxine nang sabihin niyang ang talagang crush niya ay si Baeby Baste. “Kasi ang cute-cute niya”, sabi pa ng beauty queen. Kung sa bagay marami naman talaga ang nakakagusto at malakas ang followi
ng ni Baste. Kaya nga nakuha pa siyang endorser ng Bench dahil sa popularidad niya.
Young actor naghirap nang mawala ang mentor
Kung dati ipinagyayabang ng mentor ng isang young male star na “milyon na ang savings niya sa bangko”, ngayon ay sinasabi ng aming informant na naubos na raw yata ang pera ng young male star.
Sa kanya pa rin naman kasi umaasa at masyadong marangyang pamumuhay ng pamilya niya, eh wala na siyang masyadong assignments ngayon simula noong mawala ang kanyang mentor. Wala na ring gumagastos sa kung ano man ang kailangan niya.
Kung hindi nga matututo ang actor na ito, tiyak pabangkarote ang savings niya.
- Latest