Diego Loyzaga isinasangkot sa droga, naglabas ng galit sa tatay

Inalis na rin ni Diego Loyzaga ang kanyang posts laban sa tatay niyang si Cesar Montano sa social media.

“Because I was asked to” sagot pa niya sa nagtanong kung bakit niya binura iyon. Pero nagtagal din naman ang kanyang posts kaya nakita na rin ng maraming tao, tapos na-repost pa iyon ng maraming netizens.

Kagaya ng dati naming stand, iyang mga bagay na iyan ay masyado na ngang personal at dapat sana ay pinag-uusapan na lang nila in private, pero dahil sila nga ay public property, at inilabas iyan publicly sa social media, papaano mo pa nga ba aawatin ang issue? Hindi puwedeng ipagwalang bahala iyan. Maling damage control ang manahimik tungkol sa issue na iyan.

Palagay namin, mali ring ibang tao ang sasagot sa mga bagay na ‘yan para kay Cesar. Dapat siya mismo ang humarap sa issue. Hindi lamang siya isang artista, isa siyang public official ngayon, at ang mga ganyang statement na galing pa mismo sa kanyang anak ay malaking ang epekto sa “public trust”.

Hindi lang siya ang apektado sa statement.

Maging ang controversial na “drug war” ng gobyerno ay sangkot din dahil sa sinabi ni Diego na pinagbibintangan siya ng kanyang ama na gumagamit ng droga sa kabila ng limang ulit na niyang pagpapa-drug test na lahat ay naging negative. Binabantaan pa raw siya noon na “ipadadampot”, at nagbanta pa iyon na “kung bigla na lang akong mawala o mapatay, alam na ninyo kung bakit.”

Diumano, nagsimula ang lahat nang paalisin ni Cesar si Diego sa tinitirahan noong bahay, na sa paniniwala noong bata ay ibinigay na sa kanya”.

Actually sinasabi nilang matagal na iyang alitang iyan. Nagsimula iyan nung bagong dating pa lamang si Diego sa Pilipinas, kung saan humihingi sana siya ng isang condo na matitirahan niya at kotse na kanyang magagamit, pero hindi iyon ibinigay ni Cesar. May mga “spokesperson” si Cesar na nagsabi ayaw lamang noon na mamuhay ng nag-iisa ang kanyang anak, at payagang mag-drive dahil iyon ay 16 years old pa lang. Bibigyan naman ng matitirahan iyong bata, pero lately sinasabi ngang pinaalis na rin siya roon.

Isinumbat pa noong bata na simula pagkabata pa niya, hindi siya nabigyan ni Cesar kahit piso bilang suporta sa kanya. Nang magbalik siya sa Pilipinas mula sa Australia kung saan siya pinalaki ng kanyang inang si Teresa Loyzaga, inaasahan ni Diego ang suporta naman ng kanyang ama, bukod nga sa gusto niyang maging artista. Pero mukhang wala siyang nakuhang suporta.

Mabilis namang gumawa ng pahayag ang dalawang anak pa ni Cesar, sina Angelina at Samantha na anak niya sa aktres na si Sunshine Cruz, ng pagsuporta kay Diego sa anumang paraan. Sinasabi pa ng dalawa na si Diego ay naging mabuting “kuya” sa kanila kahit na magkaiba nga ang kanilang ina.

Natatandaan namin, noong nakaraang buwan pa namin narinig ng issue na iyan, nang may magsabi sa aming “may problema kay Diego. Kaya nga dumating si Teresa para ayusin sana iyon.” Pero mukha ngang hindi rin naayos ng kanyang nanay kaya nauwi pa sa ganyan. Hindi naman sumasagot si Cesar sa maaanghang na pahayag ng anak, pero naniniwala kaming dapat ayusin niya agad ang problema dahil kung hindi maapektuhan hindi lamang ang kanyang image bilang isang artista. Apektado rin ang “public trust” dahil siya ay isa na ngang public official.

Masyadong maraming iskandalo nang dumating kay Cesar. Hindi pa naman gumagalaw ngayon ang kanyang showbiz career. Nagsisimula pa lamang siya bilang isang government official. Sa ngayon mahalaga para sa kanya ang isang magandang image.         

Show comments