Dahil sa mga kuwento ni Presidente Digong Duterte sa harap ng mga tax payers, nalaman tuloy na nag-text sa kanya si Kris Aquino at nakiusap na “huwag mo namang ipakulong si Noynoy (Aquino)”.
Siyempre marami ang nagulat kasi ang tanong nga nila, “naniniwala ba si Kris na puwedeng makulong talaga ang dating presidente”?
Iyan ay dahil nang matapos makaharap ni Presidente Digong ang mga naulila ng SAF 44, sinabi niyang bubuo siya ng independent commission para muling imbestigahan ang Mamasapano Massacre, at marami ang nagsasabing masasabit ang dating presidente.
Pero pinakalma naman ni Presidente Digong si Kris, dahil sinabi naman niyang wala raw siyang planong ganoon. Ang gusto ng presidente ay malaman lamang niya at masabi sa mga Pilipino kung ano ang totoo. Mabuti naman at nagbigay ng ganoong assurance si Presidente Digong kay Kris. Ngayon siguro mapapanatag na ang kalooban niya at maiisip na niya kung papaano siya babalik sa telebisyon.
Mukhang walang nangyari roon sa kanyang balak na mag-digital muna. Puwede siguro iyan kung magsisimula na ang Pilipinas sa digital broadcast, at kung makakakuha siya ng slot doon. Kasi basta nagsimula na tayo sa digital broadcasting, mas maraming istasyon ang magagawa. Hindi kagaya ngayon na dahil sa limitasyon sa frequency, puno na ang VHF band sa telebisyon. Dito sa Pilipinas, mayroon pang TV na walang UHF channels.
Matapos na hindi na mabigyan ng time slot ulit sa ABS-CBN, sinikap ni Kris na makapasok sa rival station nito, ang GMA 7. Hindi niya maikakaila iyan dahil siya mismo ang naglalabas niyan sa social media. Pero nasilat ang planong iyon dahil sa mga bagay na hindi nila inaasahan, at hanggang ngayon nga ay hindi nila maamin kung ano talaga ang dahilan. Gumawa si Kris ng pilot show na inilabas sa Facebook at YouTube, dahil ngayon naman ay may nakukuha na ring commercials ang mga iyon. Pero dito sa atin, hindi naman mauuso iyong ganyang nanonood sa internet. Konti lang ang may internet.
‘Di tulad ni Kris at Aiko, Jodi walang swerte sa annulment
Ibinasura ng Court of Appeals ang kahilingang dinggin nila ang petisyon nina Jodi Sta. Maria at Pampi Lacson para sa annulment ng kanilang kasal.
Ibig sabihin matatagalan pa bago sila makalaya sa kanilang responsibilidad ng kasal nila. Wala pa palang pag-asa ang love affair nina Jodi at Jolo Revilla. Wala pa ring pag-asa ang pagpapakasal nina Pampi at Iwa Moto kahit na may anak na sila.
Maraming nagtatanong kung bakit, pero iyang annulment kasi ay hindi kagaya ng divorce na kung ayaw na ninyo, pawawalang bisa na lang ang kasal. Ang ibig sabihin ng annulment ay walang bisa ang inyong kasal sa simula’t simula pa lamang. Maraming hindi masuwerteng makakuha ng annulment. Mayroon din namang masuwerte kagaya halimbawa ni Aiko Melendez na dalawang beses nang nakakuha ng annulment, o si Kris Aquino na napakadaling nakakuha ng annulment.
Dating sexy star nagpaparamdam
Naka-chat namin ang dating member ng That’s Entertainment at naging sexy star ding si Nini Jacinto. Happily married na siya, may mga anak na at inaasikaso ang maraming negosyong naipundar na nila kahit papaano.
“Maliliit na negosyo pero lahat kumikita,” sabi ni Nini.
Pero minsan daw ay inaatake siya ng pagkainip at naiisip niyang balikan ang pagiging artista. Bakit nga ba hindi?