Sa grand presscon ng Ilawod kahapon, napagkatuwaang pagdebatehan kung ano ang pwedeng itawag na titulo kay Iza Calzado sa pagiging favorite horror star. Pag horror film kasi, parating siya ang naiisip ng mga direktor at producer kaya biro nga niya, pwede na siyang tawaging Horror Queen at um-agree naman ang lahat.
Pero binawi agad ito ng aktres at sinabing nagbibiro lang siya.
“Kapal ng fez (face),” natatawa niyang sabi. “Pero guys, pagbigyan n’yo na ako, 15 years na ako, bigyan n’yo naman ako ng bagong title, Horror Empress! Hindi joke lang,” sabay-tawa.
Ni-remind ng entertainment press si Iza na ang huling nabansagang horror queen was Kris Aquino, so siya na ba ang papalit?
“Oh my God, nakakahiya! Hindi, sa kanya na ‘yun. Empress na lang,” she said.
Pwedeng-pwede naman talaga na siya ang maging bagong Horror Queen dahil hindi naman masyadong active si Kris sa paggawa ng pelikula.
“Hiramin ko muna? Itext ko muna, ha?”
So, okay ba sa kanya na ipasa na ni Kris sa kanya ang trono?
“Kung willing siyang ipasa, tatanggapin ko nang buong-buo. Pero ite-text ko muna, guys. Pwede rin namang Horror Empress or Horror Princess. Ang bata! Mag-isip na lang kaya tayo ng iba.”
Kanya-kanyang suggestion tuloy ang mga reporters. May nagsabing Horror Diva, Horror Nymphet, Reyna ng Lagim, Horror Goddess at Horror Siren. Tawanan ang lahat sa Horror Siren at Horror Nymphet at pati si Iza ay natawa.
“Nakakaloka ‘yung Horror Siren,” natatawang sabi ng aktres.
Dahil nga kung ano-ano na ang naisip na title, sambit ni Iza, “Iza Calzado na lang, guys, balik na natin do’n.” Tawanan.
So from Kris Aquino, Iza Calzado na ang Horor Queen ngayon?
“Tingnan muna natin, nakaka-pressure, ba’t ko pa kasi sinabi ‘yun?” she said.
“Kung willing si ate (Kris), pahiram muna. Hiramin ko na lang, hindi ko kinukuha. Kris Aquino is Kris Aquino.”
But seriously, say ni Iza, hindi rin niya alam kung bakit nga lagi siyang nao-offer-an ng horror film.
“Pero sa lahat naman ng ginagawa kong horror, ang basehan lang ng lahat ng ito ay drama. Ang Sigaw (her first horror film) drama. Ito (Ilawod) ay family drama rin.
“Parang. . .ewan ko, siguro, may something mysterious about me siguro physically, pag nailawan, ‘yung mata ko nga, sabi nga ni Dan (Villegas), baka nga pasok siya sa horror. O kaya, baka nga nakakatakot akong tingnan. Hindi ko talaga ma-explain. Pero kung anuman ‘yun, ako’y nagpapasalamat sa Diyos at biniyayaan Niya ako ng isang nakakatakot na mukha, horrifying presence,” say ni Iza na natatawa.
“Oo nga, nalinya talaga ako sa horror. Sinuwerte. So, sana, magtuluy-tuloy ang swerte. Claim ko na ‘yan,” sambit pa ng aktres.
Samantala, Ilawod is showing on Jan. 18 at kasama ni Iza si Ian Veneracion bilang kanyang leading man, Therese Malvar, Xyriel Manabat, Epi Quizon at Harvey Bautista mula sa Quantum Films, MJM Productions, Tuko Films and Butchi Boy Productions.