Kami rin ay hindi natuwa sa ginawang pagpatay ng aso sa isang pelikula. Sila man ang pumatay o hindi ay hindi na mahalaga iyon, dahil ipinakita ang pagpatay ng isang aso at sinasabi nilang iyon ay isang “kaugalian”.
Pero tama rin naman ang sinabi ng aktres na si Irma Adlawan na mukhang may mali doon sa trial by social media.
Ang tinutukoy niya ay ang pagbibigay ng pahayag ni Liza Diño tungkol sa mga bagay na iyon bago pa man ang kanilang naging meeting sa Metro Manila Film Festival (MMFF) Execom. Siguro totoo rin nga iyong sinasabi ni Liza na bago pa man iyan ay gumagamit na siya talaga ng social media, at totoo rin na kabilang sa kanyang pinaninindigan ay ang paglaban sa animal cruelty. Pero ang nakalimutan ni Liza, ngayong siya ay mayroon ng posisyon sa gobyerno, lalo pa nga’t nasa execom siya ng MMFF, dapat nagkaroon ng restraint. Dapat wala siyang sinasabi bago ang aksiyon ng execom.
Medyo mapait din iyong sinabi niya na ang paghahabol laban sa mga pumatay ng aso ay wala na siguro sa kamay ng MMFF, pero hahabulin daw iyon ng kanyang ahensiya. Hindi ba ang dapat na ginagawa niyang Film Development Council of the Philippines ay umisip ng paraan sa pagpapaunlad ng industriya ng pelikula sa ating bansa kaysa sa paghahabol sa pumatay ng aso?
Hindi namin kinukuwestiyon ang nalalaman ni Liza Diño sa pelikula. Isa siyang indie star. Gumawa siya ng ilang pelikulang indie, bago nagpakasal sa abroad kay Aiza Seguerra. Anak siya ni SBMA Chairman Martin Diño, na naging stand in noong panahong hindi pa nakakapagdesisyon si Presidente Digong Duterte na tumakbo para presidente.
Pero alam ba ni Liza ang tunay na katayuan ng industriya ng pelikulang Pilipino? Ang industriya po ay lugmok na. Mula sa mahigit na tatlong daang pelikula noong dekada 80, ngayon halos 50 pelikula na lang ang ginagawa natin. Nangangahulugan iyan na maraming manggagawa na ang gutom. Nangangahulugan iyan na kailangan ang bagong mga mamumuhunan sa pelikula, at para mangyari iyon, kailangang kumikita ang mga pelikula.
Sino ba ang mamumuhunan kung malulugi lang? Obviously, ang kasagutan sa mga problema ng industriya na siyang dapat punto ng “film development” ay hindi ang advocacy pabor sa animal protection o ang paggawa ng mga pelikulang indie na hirap namang kumita.
Iyong mga may-ari ng sine, simple lang ang solusyon nila, at ‘yun ay ang magpalabas ng foreign movies. Hindi mo mapipigil iyan dahil malaking tax ang iniaakyat niyan sa gobyerno. Eh ano na ang kinabukasan ng pelikulang Pilipino?
Barbie pumatok sa apat na lalaki
Suwerte si Barbie Forteza dahil sumipa ang ratings ng kanyang bagong serye na nasa primetime ng GMA 7. Sinasabi nila na siguro raw ay nagkaroon ng magandang kumbinasyon ang nasabing serye, dahil hindi lamang isa, kung hindi apat na pogi ang leading men ni Barbie.
Siguro nakita nila ang formula, basta pala pogi ang bida ay pinanonood ng mga bata ngayon.
Hindi na kailangang maganda ang leading lady. Eh sa kaso ni Barbie, maganda naman iyong bata, at magaling umarte. Hindi natin matatawaran iyong kanyang best actress award na nakuha pa sa abroad. Tapos nilagyan pa siya ng apat na macho na leading men, at iyon ang pumutok na formula.
Sa apat na leading men, ang masasabing bago talaga ay iyong si Jak Roberto, pero hindi rin naman maikakaila na sa apat, mukhang siya ang mas pinag-uusapan ngayon.