Si Carolyn Carter ng US Virgin Islands ang kauna-unahang kandidata ng 65th Miss Universe na dumating sa Pilipinas noong Sabado.
Hindi first time ni Carter sa Pilipinas dahil siya rin ang official delegate ng US Virgin Islands sa Miss Earth 2012 na ginanap sa bansa natin.
Beterana si Carter ng mga international beauty pageant dahil sumali na rin siya sa Miss World noong 2010 pero tulad sa Miss Earth 2012, umuwing luhaan ang beauty queen na walang kapaguran bilang nag-join din ito sa Miss Supranational noong 2011. Parang wala nang ibang babae sa US Virgin Islands maliban kay Carter ‘ha?
Anyway, maligayang-maligaya si Carter nang dumating ito sa NAIA dahil pinagkaguluhan siya ng mga Pinoy. Feeling Hollywood superstar si Carter dahil sa sobrang atensyon na ibinigay sa kanya ng mga Pinoy na nakasalamuha niya sa NAIA noong Sabado.
Dumating din sa bansa si Miss Guyana Soyini Fraser na beterana na rin sa pagsali sa mga beauty pageant pero Luz Valdez din.
Si Fraser ang official delegate ng Guyana sa Miss Earth noong 2010 at ibang mga beauty pageant na never heard.
Kung puwedeng sumali sa Miss Universe ang mga repeater o ang ibang mga title holder ng ibang mga beauty contest, may karapatan si Catriona Gray na mag-join sa Bb. Pilipinas sa taong ito o sa 2018.
Marami ang nagsasabi kay Catriona na sumali sa Bb. Pilipinas dahil malaki ang kanyang chance na makuha ang Miss Universe Philippines title dahil pang-Miss Universe ang beauty niya.
Ang tanong, interesado pa ba si Catriona? Welcome ba siya sa Bb. Pilipinas Charities, Inc., ang organizer ng Bb. Pilipinas?
Nagpakitang-gilas si Catriona sa Miss World 2016 pero hindi siya nagkaroon ng puwesto kaya nagprotesta ang fans at supporters niya na naniniwala na deserving na mag-win ang Pinay beauty queen.
May malaking fashion show na magaganap sa January 23 at mga bida ang 87 Pinoy fashion designers.
Tampok sa fashion show ang 87 official candidates ng 65th Miss Universe at ang mga gown na gawa ng mga Pinoy fashion designer ang gagamitin nila.
Ang fashion show ang pagpapakita ng pagkakaisa ng mga talented designer ng Pilipinas na excited dahil ang big event ang bihirang pagkakataon na makikita sa buong mundo ang kanilang mga creation.
Debbie Reynolds and Carrie Fisher pinarangalan sa Golden Globes
Natuwa ako nang bigyan ng tribute sa 74th Annual Golden Globes ang mag-inang Debbie Reynolds at Carrie Fisher na magkasunod na araw na pumanaw noong nakaraang buwan (December 27 at December 28, 2016).
Ang Golden Globes host na si Jimmy Fallon ang nanguna sa pagbibigay ng tribute sa aking favorite actress at sa anak nito na nakilala bilang Princess Leia ng Star Wars.
Ipinakita sa Golden Globes tribute sa mag-ina ang footage ng HBO documentary na Bright Lights: Starring Debbie Reynolds and Carrie Fisher.
Sa March 2017 pa sana ang airing ng Bright Lights pero ipinalabas na ito ng HBO noong Sabado dahil sa pagpanaw nina Debbie at Carrie.
Nakatakda ang magkasabay na paglilibing sa mag-ina sa Biyernes, January 13 sa Forest Lawn-Hollywood Hills.