Yema raw ang ginamit na hulmahan tropeo ng MMFF nilait-lait!

Walang kumukuwestyon sa resulta ng winners sa Gabi ng Parangal ng 42nd Metro Manila Film Festival (MMFF) pero super okray ang inabot ng mga ipinamudmod na trophies dahil sa pangit na hitsura nito.

Nilalait ang mga tropeo na magaan at hindi maintindihan ang design. May mga okray na ang yema ang ginamit na hulmahan ng trophy na puwedeng makasugat dahil sa patulis na dulo.

May mga komento na hindi kawalan ang hindi pagdalo ni Paolo sa gabi ng parangal dahil ‘di hamak na mas maganda ang design ng Best Actor trophy niya mula sa 29th Tokyo International Film Festival.

Ang direktor ng Die Beautiful na si Jun Lana ang tumanggap ng award para kay Paolo.

Gustong malaman ng madlang-bayan kung sino ang may idea na palitan ang design ng MMFF 2016 trophies at sino ang dapat magpaliwanag at managot sa chaka na hitsura ng mga tropeo.

Tagumpay ng filmfest kuwestiyonable raw

Extended sa ibang mga sinehan after January 3, 2017 ang ilan sa mga pelikula na official entries sa MMFF 2016.

Pero sorry na lang sa mga filmfest movie na talagang hindi pinapanood ng madlang-bayan.

May isang bitchy showbiz observer ang nagkomento na kung talagang tagumpay ang MMFF 2016, bakit kailangan pa na umapela ng MMFF Exe­Com sa theater owners para mabigyan ng extension ang annual film festival?

Iba naman ang concern ng mga nakatutok sa box-office gross ng MMFF 2016.

Gusto nila na ilabas ng MMFF orga­nizers ang exact figures ng kinita ng walong pelikula sa ilang araw na showing nito sa mga sinehan.

Isang bilyong piso ang ticket sales ng MMFF noong nakaraang taon at para sa mga observer, masasabi na super successful ang MMFF 2016 kung napantayan o nahigitan nito ang kinita ng MMFF 2015.

‘Mystery Girl’ ni Alden, tukoy na!

Knows ko na ang kiyeme-kiyemeng name ng mystery girlfriend kuno ni Alden Richards.

Pero nag-deny na si Alden kaya pointless pa na banggitin ko ang name ng non-showbiz girlfriend.

Hindi ko rin pinangarap na ako ang maging dahilan para i-bash si “Mystery Girl” ng selosang fans nina Alden at Maine Mendoza na sarado ang isip sa posibilidad na ma-in love sa ibang mga personalidad ang love team na kanilang sinusuportahan.

Nag-react na rin ang tatay ni Alden na si Richard Faulkerson, Sr. pero ang mahalaga, hindi pinabulaanan ng fadir ng aktor na may GMC vehicle sila na matagal nang nakaparada sa kanilang garahe.

Bahay ni Alden, excited pasukin ng fans

May article sa January 2017 issue ng YES! Magazine tungkol sa newly-built house ni Alden sa Sta. Rosa City, Laguna.

Excited na ang fans ni Alden na makita ang bawat lugar sa bahay niya pero bitin na bitin ang kanilang pakiramdam dahil wala pa sa mga bookstore at magazine stands ang bagong isyu ng entertainment magazine na pinakahihintay nila.

Ngayon ang huling araw ng 2016 at hoping ang fans ni Alden na makakabili na sila ng kopya ng YES! Bago i-welcome mamayang gabi ang pagpasok ng 2017!

Kasama nga pala si Alden sa mga Kapuso star na sasalubong sa pagpasok ng 2017 sa New Year countdown ng GMA-7 na magaganap ngayong gabi sa Mall of Asia Grounds.

Show comments