“Twenty-five years na kaming kasal next year. Pero nagulat ako noong sabihin ni Ralph (Recto) na gusto raw niyang magpakasal kami ulit sa simbahan. Matagal na niyang sinasabi iyan na may balak siya pagdating namin ng 25 years pero hindi ko alam na ganoon. Tapos nagbigay siya ng choice sa akin, sabi niya ‘kasal o around the world,” kwento ni Cong. Vilma Santos-Recto. “Ako naman sinagot ko siya agad, around the world na lang para practical. Mahilig din naman kaming mag-travel, isa pa magastos iyong kasal talaga. Pero kung iisipin mo, tradition naman kasi iyong pagdating ng 25 years nagkakaroon ng renewal of vows. Usually 25 at saka fifty years iyan eh. Wala pa naman talagang plano pero kung iyon ang mangyayari gusto ko doon din kami ikasal ulit sa katedral ng Lipa. Doon kami nagpakasal noon eh.
“Pero bago kami nagpakasal, actually 7 years na kaming on. Kaya kung iisipin nga hindi lang 25 iyon kung ‘di 32 years na,” patuloy pa ni Ate Vi nang makausap namin siya noong isang araw.
Very good mood noon si Ate Vi. Christmas party kasi iyon at induction of new officers ng kanyang fans club, ang Vilma Santos Solid International. At nakakatuwa dahil nang magsimulang magsayaw ang isang grupo ng kanyang mga fans, na ang ginamit na music ay ang mga kanta niya noong araw, aba nakisayaw pa si Ate Vi. Nagamit niya ulit ang pagiging magaling niyang dancer.
Ang lakas nga ng hiyawan ng fans nang magsayaw si Ate Vi. Matagal na nga rin naman nilang hindi siya nakikita nang ganoon.
Ang kuwento pa niya, sa January ay may gagawin ulit siyang isang commercial endorsement, at isang bahagi ng kanyang kikitain sa endorsement na iyon ay ilalaan niya sa isang foundation para sa kanyang mga fans, para kung magkasakit, o may mangailangan, may makukunan na ng pantulong sa kanila. Siyempre maluha-luha namang nagpalakpakan ang mga Vilmanians.
“Aba, bahagi na ng buhay ko ang Vilmanians. Isipin mo basta may pelikula ako, nakapila sila sa mga sinehan. Gumagawa pa sila ng mga blocked screening, at lahat iyon gastos nila. Itong party na ito, lahat iyan gastos pa nila. Sila na lang lagi ang gumagastos eh, kaya naisip ko naman na magbalik ng kahit na papaano sa kanila. Registered naman na non-profit, non-stock ang organization nila kaya puwede silang humawak ng ganoong pera,” sabi pa ni Ate Vi.
Isa pang sinasabi ni Ate Vi na iniisip niya ay kung papaano rin makakatulong sa movie press, “pero iyon ay pinag-aaralan ko pa. Kasi sinasabi nila sa akin may bill daw noon na para riyan, hindi ko pa nakikita iyon at hindi ko alam. Pero mahirap makakumbinsi sa kongreso ng mga susuporta sa mga ganyang batas, kaya ang iniisip ko personal na lang. Tutal tumutulong ka na ‘di lagyan na natin ng system para mas maganda,” sabi ba ni Ate Vi, sabay biro tungkol sa mga press people na nakasama na niya simula pa noong umpisa ng kanyang career.