Bagama’t sinasabi niyang tanggap na niya dahil naroroon na iyon, at siguro nga ay wala naman siyang magagawa na, sinabi ni Secretary Wanda Tulfo Teo na may inirekumenda siyang iba sanang tao para mamuno ng tourism promotions sa bansa at hindi si Cesar Montano.
Idinugtong pa niyang noong makita sa China, kinausap na raw siya ni Cesar at sinabing siya nga ang ilalagay sa Tourism Promotions Bureau, at gusto na siyang makausap noon, pero sinabi raw niya na hintayin muna ni Cesar ang opisyal na appointment bago sila mag-usap, kasi noon wala pa naman ang opisyal na appointment ng actor. Pero ngayon ngang dumating na ang papeles, sabihin man nating bantulot nga ang secretary sa appointment ni Cesar, nangyari na ‘yun.
Ang sigurado pa niyan, masasabak agad sa matinding trabaho si Cesar dahil sa nalalapit na pagdaraos sa bansa ng Miss Universe pageant. Papaano nga kaya ang gagawin niya sa tourism promotions para mas maparami pa ang mga turistang dadayo sa bansa dahil sa pageant? Noong unang dalawang pagdaraos dito ng Miss Universe, sinasabing libu-libong turista ang dumating sa Pilipinas para saksihan ang contest.
Ang isa pang tanong ngayon, ano nga kaya ang mangyayari sa career ni Cesar bilang isang actor? Isang full time job sa gobyerno ang kanyang tinanggap. Nangangailangan iyan ng panahon na tumigil siya sa kanyang opisina, o dumayo sa kung saan-saan para mapalawak pa ang kampanya ng turismo sa ating bansa. Ibig bang sabihin niyan ay hindi siya makagagawa ng pelikula sa susunod na anim na taon?
Kung sabagay, bihira na rin naman ang kanyang mga pelikula. Noon pang nakaraang festival iyong huli niyang ginawa kasama si Maria Ozawa na hindi masyadong maganda ang resulta sa takilya.
Naging busy nga rin kasi siya sa pagkakampanya noong nakaraang eleksiyon.
Richard tambay sa gym!
Napansin namin noong isang araw ang post ni Sarah Lahbati na picture ni Richard Gutierrez na mukhang nagbababad sa gym. Malaki kasi ang ipinagbago ng kanyang build, at masasabi nga nating mas ok ang hitsura niya ngayon.
Ang punto lang diyan, ano man ang gawing improvement ni Richard sa kanyang sarili, kung wala pa nga siyang bagong assignment, sayang naman. Mukhang ang problema sa ngayon ay nag-e-enjoy siya sa kanyang private life. Hindi mo rin naman siya masisisi dahil mahigit na isang dekadang wala siyang pahinga sa kanyang trabaho noon. Siya ang talagang namamayani sa prime time noong araw.
Ang last project ni Richard ay Panday sa TV5, na siguro nga ang naging isang problema naman ay hindi napapanood araw-araw kaya nahirapang makipagkumpitensiya sa mga katapat nila. Pero naniniwala kami na isang magandang assignment lang ang makuhang muli ni Richard, babalik na ang sigla ng kanyang career.
Sana nga ay totoo ang balitang may offer sa kanya ang ABS-CBN para naman makabalik na siya sa dati niya ‘posisyon.’
Hindi naman maikakaila na marami pa rin siyang fans, at ngayong nabawasan na naman nga ang mga leading men dahil busy si Richard Gomez sa trabaho bilang mayor ng Ormoc, at si Aga Muhlach naman ay busy pa rin sa kanyang negosyo, maganda ang chances na makakuha si Richard ng magagandang roles.