May naririnig na kaming nagsisimula nang pamba-bash kay Congresswoman Vilma Santos, at mukhang ang dahilan ay pulitika. Hindi mo naman maiiwasan ang ganoon dahil si Ate Vi nga ay naging isang political figure simula pa noong pumasok siya sa public service.
Iyong pamba-bash sa kanya ngayon ay nagsimula noong sabihin niyang kailangang irespeto si Senadora Leila de Lima dahil siya ay isang babae pa rin. Isa sa mga basher ni Ate Vi ang mabilis na nagtanong, “eh papaano ang respeto sa asawa ni Ronnie Dayan”. Pero huwag na nating pahabin pa ang diskusyong iyan.
May isang panahon kasi sa buhay ni Ate Vi, bago pa siya pumasok sa pulitika na tila ba nahusgahan na siya ng mga tao, wala pa mang pormal na pagtatanong sa kanya tungkol sa mga bintang. Iyan iyong panahong may nagsabing si Ate Vi ay may sex video. May “betamax”. Matagal na panahon ding pinag-usapan ng mga tao iyon. Laman iyon ng mga diyaryo at mabuti wala pang social media noon. Walang malinaw na ebidensiya pero akala mo totoong-totoo ang lahat.
Nanahimik na lang si Ate Vi noon dahil sabi nga niya, ano mang paliwanag ang gawin niya, hindi rin siya pakikinggan dahil ang mga tao naman naniniwala sa gusto nilang paniwalaan. Tumagal iyon hanggang dumating ang isang araw na ang mga kritiko niya rin ang nagsawa, dahil nalibot na nila ang lahat ng video shops, wala silang nakuhang betamax ni Ate Vi.
Iyan ang dahilan kung bakit minsan, si Ate Vi ay nakikisimpatiya doon sa mga taong medyo napag-iinitan. Hindi lang naman ngayon iyan. Iyong mga kapwa niya artista basta may problema, grabe rin naman kung ipagtanggol ni Ate Vi, lalo na at alam niyang hindi naman totoo ang mga bintang.
Ang katuwiran lagi ni Ate Vi, kagaya rin ng nangyari sa kanya, lalabas ang katotohanan in the end. Papaano nga naman kung dinikdik mo na ang tao, tapos wala palang kasalanan kagaya ng nangyari sa kanya? Hindi bale kung talagang totoo.
Mga director hindi nadadala kay Baron!
Pinag-uusapan na naman si Baron Geisler dahil doon sa kanyang ginawa sa co-actor niyang si Ping Medina sa set ng kanilang pelikula. Lahat sila galit ay kay Baron dahil sa kanyang ginawa kaya mabilis din siyang tinanggal ng kanilang director sa pelikula.
Pero gumanti na naman si Baron at ang sinisisi ay ang director. Nagpaalam daw siyang may gagawin siya. Pumayag naman daw at sabi pa sa kanyang, “gawin mo na lang sa eksena”, kaya ginawa nga niya, inihian niya si Ping Medina sa mukha.
Siguro ganoon nga ang nangyari, pinayagan siya. Pero siguro hindi naman alam ng director na ganoon ang gagawin niya. Hindi naman kasi gawain iyon ng matinong tao, at mayroon presumption na matino naman siya. Pero kung iisipin, sino nga ba ang may kasalanan talaga sa mga nangyayaring ganyan talaga?
Ang dami ng gulong kinasangkutan niyang si Baron. Kaya basta kinuha mo si Baron, mag-expect ka na maaaring magkaroon ng gulo. Hindi naman sikreto ang mga nagawa niyang trouble simula pa noon eh. Kaya kung ayaw mo ng gulo, huwag mo na siyang kunin. Ang dami namang artistang makagawa ng mga role niya, wala ka pang problema.