Ginagawa nang katatawanan si Senator Leila de Lima dahil sa mga isyu ng pakikipagrelasyon niya sa kanyang driver at security.
Kapag may mga pogi na police escort at bodyguard, “Baka ma-De Lima ka!” ang sinasabi sa kanila ng mga tao na nakakasalamuha nila.
Isang aktres ang nag-dialogue na baka magustuhan ni De Lima ang isang police escort dahil may itsura ito.
Kasalanan ni Ronnie Dayan, ang ex-driver at bodyguard ni De Lima ang pang-aalipusta na nararanasan ng kanyang dating amo.
Masyadong naging madaldal si Dayan sa congressional hearing noong nakaraang linggo kaya pinaratangan siya na ungentleman at kiss-and-tell dahil sa pagkukuwento niya sa publiko ng private moments nila noon ng embattled lady senator.
May mga nang-alipusta sa pagkatao ni Dayan na hindi naman kaguwapuhan. Imbes na siraan si De Lima, may mga nagsabi na dapat magpasalamat si Dayan dahil pinatulan siya ng senadora. Nakinabang din siya kay De Lima dahil sa datung na tinanggap niya para sa construction ng kanyang bahay sa Pangasinan.
Alfred busy sa meet and greet
Araw-araw ang meet-and-greet ni Congressman Alfred Vargas sa constituents niya sa District V ng Quezon City.
Ang busy schedule ni Alfred ang dahilan kaya hindi niya tinanggap ang tempting offer na magkaroon siya ng special participation sa bagong teleserye ng isang major television network.
Ako ang nanghihinayang pero wala akong magagawa dahil mula nang maging public servant si Alfred, ang paglilingkod sa mga kababayan niya ang kanyang top priority.
Kung abala si Alfred noong eleksyon dahil ipinangampanya niya ang mga kandidato na kaibigan, mas aligaga siya ngayon dahil sa nalalapit na Pasko at bilang member ng Executive Committee ng Metro Manila Film Festival 2016.
Members ng MMFF committee nagdusa ang mga mata
Twenty-seven movies at hindi naman fifty plus ang bilang ng mga pelikula na pinanood ng Selection Committee ng Metro Manila Film Festival.
Isang member ng selection committee ang nagsabi na isa hanggang tatlong pelikula ang pinanood nila sa loob ng isang araw kaya nagdusa ang mga mata niya.
Pinanindigan ng Selection Committee member na magaganda ang walong pelikula na pinili nila.
Marami pa raw ang pelikula na magaganda pero walo lamang ang kailangan sa MMFF 2016.
Direk Marlon ikinalungkot ang pagkukumpara sa mga indie at mainstream films
Hindi natutuwa ang direktor na si Marlon Rivera sa mga discrimination sa mainstream at indie movies.
Para sa co-director ng Enteng Kabisote 10 and The Abangers, pare-parehong pelikula ang mga mainstream at indie movies kaya hindi tama na pagkumparahin ang dalawa.
Sinabi ni Marlon ang kanyang nararamdaman at opinyon sa presscon ng pelikula ni Vic Sotto na bukas na ang showing sa mga sinehan.