Kung ang pagbabasehan ay ang mga naunang imbestigasyon, posibleng wala namang foul play sa pagkamatay ng singer-comedian na si Blakdyak. Wala naman daw nakapasok na ibang tao sa kanyang inuupahang apartment. Naka-lock din ang mga pinto na binuksan na lang ng kanyang anak nang hindi siya sumasagot sa mga katok. Sinilip siya mula sa bintana at dahil patay ang ilaw ay hindi naman siya nakita.
Nang mabuksan ang pinto, tumambad nga sa kanila ang bangkay ni Blakdyak, wala naman diumanong tama iyon ng baril o saksak, pero ang kanyang ulo ay nababalot ng plastic. Wala diumanong signs of struggle, ibig sabihin walang pumilit sa kanya na ilagay ang plastic bag sa kanyang ulo na maaaring siyang dahilan kung bakit siya namatay. Doon nabuo ang paniniwala na iyon ay suicide.
Inamin ng ilang kaibigan niya, at maging ng kanyang asawang si Twinkle na gumagamit ng mga bawal na droga si Blakdyak.
Nasabi rin na kamakailan lang, naireklamo umano siya ng mga kapitbahay sa kanilang barangay dahil may mga nagagawa siyang mali, at sinasabi ring sakit siya ng ulo ng security sa tinitirahan niyang apartment. Maaaring iyon ay dala na rin ng paggamit niya ng droga.
Isa lang ang sinasabi ng lahat sa pagyao ni Blakdyak. Sinasabi nilang isa siyang “talent wasted”. Magaling siyang kumanta, at magaling din namang magpatawa, pero iyon nga nasayang din ang kanyang buhay dahil sa epekto ng droga. Kaya kung minsan, ano man ang sabihin ng kanyang mga kritiko, mukhang tama naman talaga si Presidente Digong Duterte na gawin ang lahat para masugpo iyang droga.
Sinasabi nga nila, nabawasan na naman ng isa ang listahan ng celebrities na gumagamit ng droga na nasa kamay na ng presidente. Pero hindi maganda ang nangyaring pagkakabawas niya.
PAO Chief Persida Acosta lilipat na sa Korte Suprema
Malapit sa mga taga-showbiz si PAO Chief Persida Acosta. Iyon ay dahil siguro medyo nabago nga ang kanyang buhay simula nang mapasama siya sa isang show ng TV5, iyong Face to Face. Dahil din sa show na iyon ay naging madalas ang pakikisalamuha niya sa entertainment writers.
Nasabi nga niya na “if you want to send your message across, go to the entertainment writers”. Isa siya sa naniniwala na ang karamihan ay nagbabasa ng entertainment page ng mga diyaryo. Kaya madalas kung may kampanya siya na gusto niyang makaabot agad sa masa, mga entertainment writer ang kausap niya. Napamahal na rin naman sa mga entertainment writer si Atty. Acosta.
Kaya nga sa isang gathering na ipinatawag niya noong isang araw, sinabi niyang nalulungkot siya dahil baka malipat na siya ng tanggapan. Tiyak daw na mami-miss niya ang trabaho bilang abugado ng mga mahihirap at naaapi doon sa PAO. Hahanapin din naman siguro niya ang mga dati niyang kasama at ganoon din ang madalas niyang makasalamuhang entertainment press.
Pero may choice ba siya kung talagang kailangang ilipat na siya ng puwesto? Sinabi nga niyang mas matutuwa siya kung makakapanatili siya sa PAO, pero hindi naman niya matatanggihan kung bibigyan nga siya ng ibang trabaho dahil kailangan niyang sumunod kung saan man siya ilalagay.
Kung kami naman ang tatanungin, parang mas bagay sa kanya ang bagong puwestong iniaalok. Parang mas kailangan siya sa Korte Suprema talaga. Kailangan natin ngayon ang mga mahistradong may liberal at makabagong kaisipan. Kailangan iyong nakakarinig ng katuwiran.