Sa wakas, nayakap na rin nang personal ni Gabby Concepcion ang pangatlo niyang dalaga, si Cloie Skarne, na dumating ng Pilipinas nang maging representative ito as Miss Sweden sa Miss Earth beauty pageant. Nakausap na rin niya si Cloie na umiyak daw nang yakapin niya dahil ang tanong nito, kung ang nararamdaman daw niyang pagmamahal sa tunay na ama ay tulad din ng nararamdaman niya sa kinilala niyang ama.
Inamin ni Gabby na hindi naman nawawala sa isip niya si Cloie at alam niyang one day, siya na mismo ang lalapit sa kanya.
“Kaya ang pasasalamat ko kay KC (Concepcion), ang anak kong iyan, ang naglalapit, hindi siya naglalayo sa akin at sa mga kapatid niya,” sabi ni Gabby.
“Pero sabi ko nga kay Cloie, hindi man siya nagwagi ng title, panalo na rin siya dahil umabot siya sa Top 10. Mahiyain kasi si Cloie. Hindi masyadong nagtagal si Cloie dahil kailangan na niyang bumalik sa Sweden, pero nag-bonding din silang magkakapatid, kasama si Garrie Concepcion.”
Sayang daw lamang na hindi pa niya napagsama-sama ang lima niyang anak sa isang picture, ang tatlo niyang dalaga at ang dalawa niyang anak ngayon, sina Sam (8) at Vana (4).
Natanong din namin si Gabby tungkol sa boyfriend ngayon ni KC na si Aly Borromeo. Kilala raw niya at ng family nila ang family ni Aly dahil taga-San Juan City din ito. Natuwa siya nang si Aly mismo ang nag-imbita sa kanya na mag-dinner kasama nila si KC.
Kumusta naman sila ngayon ni Sharon Cuneta?
“Nagkita kami sa isang event at ako na ang lumapit sa kanya at niyakap ko siya. Sabi ko sayang ang mga happy moments namin noon kung hindi namin magagamit sa project na pwede naming pagsamahan dahil marami pa rin kaming fans na gusto kaming makitang magkatambal.”
Nakausap namin si Gabby sa pictorial ng bago niyang afternoon prime sa GMA-7, ang Ika-6 na Utos na magtatampok sa kanila ni Sunshine Dizon at Ryza Cenon, sa direksyon ni Laurice Guillen.
“Iyon ang gusto ko sa mga ginagawa ko ngayon sa GMA-7, iyong una kong project dito, Because of You, nagustuhan ko kasi first romantic-comedy series ko iyon. Ngayon, sa una kong project after akong mag-sign ng exclusive contract sa GMA, first time ko namang gagawa ng drama series sa afternoon prime. Then, dream come true sa akin ang role ko rito na isang pilot. Frustrated pilot kasi ako, kaya nahilig akong mag-travel dahil hilig ko talagang lumipad. Tuwing magti-taping ako sa Ninoy Aquino International Airport, feeling ko nagpapalipad na ako talaga ng airplane. ”
Mapapanood na simula sa December 5 ang Ika-6 na Utos pagkatapos ng Eat Bulaga.