Sa wakas, mapagbibigyan na rin ang mga indie film na makalabas sa malalaking sinehan sa loob ng sampung araw. Hindi sila puwedeng ma-pull out dahil obligado ang mga sinehan na ilabas ang mga pelikulang Pilipino sa loob ng sampung araw na Metro Manila Film Festival (MMFF). Pero ang obligasyon ng mga sinehan ay sa Metro Manila lamang. Kung noong araw, ang MMFF entries ay inilalabas simultaneous nationwide dahil sa paniniwalang kailangan iyon para maunahan nila ang mga film pirate, palagay namin hindi iyan gagawin ngayon ng mga theatre owner dahil mas may pagkakataon silang kumita kung hindi indie ang palabas nila. Maaari silang maglabas ng pelikulang Ingles sa labas ng Metro Manila.
Sinasabing ang pinakasikat na artistang may pelikulang kasali sa festival ay si Nora Aunor, pero kung natatandaan ninyo, lahat ng mga pelikula na nakasali sa festival lately ay na-pull out sa mga sinehan dahil sa kakulangan ng nanonood. Iyan namang mga indie, inilalabas lang iyan sa maliliit na sinehan talaga. Ano ang mangyayari kung ilalabas sila sa malalaki at mas maraming sinehan? Hindi kaya umangal naman ang mga sinehan lalo na sa Christmas day kung saan sila dapat kumita nang husto?
Iyong mga indie filmfest kagaya ng Cinemalaya, inilalabas lang iyan sa CCP at sa ilang sinehan, hindi pa ‘yan buong araw kung hindi isang screening lang sa isang araw ang mga pelikula. Ganoon din iyong ibang maliliit na film festivals, pati sa Quezon City at iyong festival noong isang cable channel. Papaano kung kailangang ipalabas ang mga indie sa mas maraming sinehan? Malamang patay na ang negosyo.
Hindi pa namin naririnig kung ano ang reaksiyon ng beneficiaries ng festival, lalo na nga ang Mowelfund, na nangangailangan ng pondo para masuportahan ang kanilang mga proyekto. Maliit na nga ang kanilang nakukuha dati, eh ngayon ano kaya ang inaasahan nilang makukuha pa riyan?
Iyang festival na iyan, sa MMDA iyan eh. Sila ang nagpapalakad niyan. Humihingi lang sila ng tulong sa mga taga-industriya na karamihan naman ay mga retired na.
Kung ano ang gusto nilang ipalabas sa festival nila, walang makakakuwestiyon. Kanila iyan eh. Kaso makatulong kaya iyan sa industriya ng pelikulang Pilipino?
Hinuhulaan nila na ang magiging top grosser daw ay ang pelikula ni Eugene Domingo. Siya lang naman kasi ang may box office record diyan. Sabi nila lalaban din ang pelikula ni Paolo Ballesteros, na nanalong Best Actor sa Tokyo International Film Festival kamakailan. Pero hindi guarantee iyan dahil iyong pelikula noon ni Nora Aunor, nanalo na rin ng award sa abroad, pero balolang nang ilabas sa festival.
Natawa kami sa tanong ng isang TV journalist, “May manonood kaya sa parada?”
Mayroon naman siguro dahil aminin natin na ang mga Pinoy ay mahilig mag-usyoso. Maaari rin namang mangumbida sila ng ibang artistang wala mang pelikula sa festival ay mahingan nila ng suporta, “alang-alang sa industriya”. Maraming magagawa sa parada, ang mahirap sagutin ay iyong takilya.
Pero mayroon kaming alam na siguradong matutuwa. Kung ganyan ang mga pelikula sa festival na hindi naman panonoorin ng mga bata, tiyak na ang dudumugin ng mga tao sa mga araw na iyon ay ang ibang pasyalan. Tiyak na kikita nang mas malaki iyong Star City dahil sila ay nasa Metro Manila at walang mapupuntahang iba. Usually, umaabot sa animnapung libong tao ang nariyan kung Pasko.
Kung ganyang walang pelikulang mapapanood ang mga bata, baka dapat maghanda na sila sa doble kung hindi man tripleng dami ng taong darating sa kanila sa Pasko. Baka sa halip na kagaya noong dati na nagbubukas sila ng alas-nuebe ng umaga, dapat ay alas-siyete na, at magsasara sila sa kasunod na araw na.