Chavit naagawan ng eksena ni PNP Chief Bato

Former Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson at Miss Universe Pia Wurtzbach

Never na nag-absent si former Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson sa mga laban sa boksing ni Senator Manny Pacquiao.

Todo ang suporta ni Papa Chavit sa boxing career ni Papa Manny, kahit hindi pa boxing superstar ang kategorya ng Pambansang Kamao.

Present uli si Papa Chavit sa laban ni Papa Manny kay Jessie Vargas pero hindi siya masyadong nakita sa television screen dahil sa dami ng mga Pinoy na umakyat sa boxing ring bago nagsimula ang sagupaan ng dalawang boksingero.

Nakaagaw rin ng atensyon si PNP Chief Director Ronald “Bato” dela Rosa kaya hindi gaanong napansin si Papa Chavit at ang mga letra na nakasulat sa long sleeves na suot niya.

“Miss U is On” ang mababasa sa pang-itaas ni Papa Chavit na isa sa mga punong-abala sa Miss Universe 2016 na magaganap sa Pilipinas sa January 30, 2017.

Napansin lang ang mga letra sa damit ni Papa Chavit sa mga litrato nila ni Miss Universe Pia Wurtzbach na lumipad din ng Las Vegas para suportahan si Papa Manny.

Kung malaki ang kinalaman ng Las Vegas sa boxing career ng Pambansang Kamao, the feeling is mutual para kay Pia dahil ginanap sa Las Vegas noong December 2015 ang coronation night ng Miss Universe.  Very unforgettable ang panalo ni Pia dahil pumalpak sa announcement ng winner ang American television host na si Steve Harvey.

Boyet papasang commentator

Tinutukan ni Christopher de Leon sa TV ang bakbakan nina Papa Manny at Jessie Vargas noong Sabado, Sunday morning sa Pilipinas.

Marami ang naaliw kay Boyet dahil natalbugan nito ang mga sport commentator sa kanyang blow-by-blow account tungkol sa laban nina Papa Manny at Jessie.

Nadagdagan ang paghanga at mataas na respeto ni Boyet kay Papa Manny dahil sa performance nito sa sagupaan nila ni Vargas.

Nakaukit na sa isip ng lahat ang taimtim na pagda­rasal ni Papa Manny sa tuwing umaakyat ito sa boxing ring at bago mag-umpisa ang laro niya.

After three years ng Yolanda, Korina hindi pa rin nakakabalik sa serbisyo

Gugunitain ngayon sa Tacloban City ang mga naging biktima ni Typhoon Yolanda noong November 8, 2013.

Libu-libo ang nagbuwis ng buhay at nawalan ng mga ari-arian pero ma­ka­lipas ang tatlong taon, bumalik na uli sa normal ang pamumuhay ng mga kababayan natin sa Leyte na sinalanta nang todo ni Typhoon Yolanda.

Pangungunahan ni Tacloban City Mayor Cristina Gonzales-Romualdez ang pag-aalay ng dasal sa mga biktima ng deadly at strongest typhoon sa buong mundo.

Tatlong taon na pala ang nakalilipas mula nang bumisita sa bansa natin ang CNN anchor at reporter na si Anderson Cooper.

Hindi ko pa nakakalimutan ang subtle na pagtataray ni Anderson kay Mama Korina Sanchez sa national television dahil sa komento ng palaban na Pinay broadcast journa­list tungkol sa coverage ni Anderson sa mga nasalanta ni Yolanda sa Tacloban.

May mga nagtatanong nga pala kung kailan babalik si Mama Korina bilang news anchor ng TV Patrol pero hindi ko alam ang tumpak na sagot. Mas makabubuti na siya ang tanungin ng kanyang fans na missed na missed na ang presence niya sa news program ng ABS-CBN.

 

Show comments