MANILA, Philippines – Trio milyonaryo, mga libro tungkol sa social media posts, at mga asong sabay-sabay na pinapasyal, ilan lamang ang mga ito sa mga kuwentong tampok ngayong Linggo (November 6) sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS).
Magkakalaban sila sa game show na Wowowin subalit para mapanalunan ang mega jackpot na brand new car, isang milyong piso at house and lot, kinailangan nilang magsanib-pwersa. At sinuwerteng tinamaan nila ang jackpot. Paano nga ba nila paghahati-hatian ang mga premyo?
Samantala, tila nauuso ngayon ang pagsasalin sa libro ng social media posts o tweets na ang may akda ay mga komedyante, celebrities, at iba pang social media influencers. Sisilipin ng KMJS ang ilan sa mga ito kasama na ang librong #Basa ni Brod Pete, ang Charotism ni Ethel Booba, at Lakompake ni Señora Santibañez.
Sa Cebu naman, isang grupo ng mga estudyante ang sinorpresa ang isang lolo sa bangketa sa ika-97 kaarawan nito, kahit na hindi naman nila ito kadugo. Bagamat tuwang-tuwa si Lolo Alfredo sa pagmamahal na pinapakita sa kanya ng mga ito, ang kahilingan niya raw sa kanyang kaarawan ay makita ang kanyang dalawang anak na mahigit tatlong dekada na siyang walang balita.
Samantala, marami ang humanga sa video ni Jerry kung saan pinapasyal niya ang 13 niyang mga aso. At kahit mahigit isang dosena ang kanyang mga alaga, kahanga-hangang disiplinadung-disiplinado ang mga ito. Aalamin din ng KMJS kung paanong nakatulong ang kanyang mga alaga para uminam ang kanyang katawan na pinahihirapan ng Parkinson’s disease.
Ilan lang ito sa mga kuwentong patok ngayong Linggo sa Kapuso Mo, Jessica Soho, pagkatapos ng Hay, Bahay! sa GMA-7.