On stand-by mode ang Sunday PinaSaya ngayong araw kahit pa ngayon ang laban ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao laban kay Jessie Vargas sa Wynn Hotel in Las Vegas. Ang katwiran kasi, hindi alam kung ano’ng oras matatapos ang laban na magsisimula ng 10:00 a.m. sa Philippine time. Ang Sunday variety musical show ay natatapos ng 2:30 p.m. kaya required din ang bumubuo ng cast ng SP na maging present sa Studio 7 ng GMA.
Kaya naman ang buong cast ng Sunday PinaSaya ay excited ding maghihintay ng resulta ng laban ni Senator Manny Pacquiao.
Tom namintang sa kasambahay
Kung regular viewer ka gabi-gabi ng inspirational drama serye ng GMA-7 na Someone To Watch Over Me na idinidirek ni Maryo J. delos Reyes, tiyak na hahanga ka at makikiiyak sa husay umarte ng lead actress na si Lovi Poe at iiyakan mo ang sakripisyong ginagawa niya para sa mahal niyang asawa na ginagampanan naman ni Tom Rodriguez. Si Tom ay may early onset ng Alzeihmer’s disease. Paano nakaka-cope-up si Lovi sa character niya bilang si Joanna na lahat ay titiisin para lamang matulungan at unawain ang asawa?
“Kapag natanggap ko na po ang script, binabasa ko agad ito,” sabi ni Lovi. “Excited ako agad malaman kung ano naman ang ibibigay kong characterization sa mga gagawin kong eksena. Wala pa kasing happy moments sa mga eksena ko dahil kung sa simula ay caring at loving si TJ, at the split of the moment, biglang may pagbabago siyang gagawin. Like iyong isang eksenang kilala niya ang yaya ng anak namin, mayroon lamang siyang hinahanap, nang tanungin siya ng yaya, pinagbintangan na niyang si yaya ang kumuha at nagalit na siya, pinalalayas na niya. Hindi po madaling awatin si TJ kapag nagwawala na. Ang ending nga po noong isang gabi, takot na si yaya, nagri-resign na.”
Inamin ni Lovi na nadadala niya kung minsan sa bahay ang mga huling eksenang ginawa niya at kung minsan daw, hanggang sa bahay, umiiyak pa rin siya. Feel na feel daw niya ang character ni Joanna. Paano raw kung nangyayari pala ito sa mga close friend niya. Parang ang hirap daw i-appease ng friend niya.
“Pero ang dami ko pong natutunan sa role ko rito, talagang naiiba, hindi lamang bilang isang mabait na asawa, iyong matututo ka ring lumaban kung ang pamilya mo na ang nasasaktan. Pumasok na nga sa eksena si Irene (Max Collins) at maganda rin ang character niya, ang tanging babaeng natatandaan niya sa halip na akong asawa niya.”
Pinuri namin si Lovi sa isang eksena na matapos siyang saktan ni TJ ay kitang-kita pa rin ang pagmamahal niya sa asawa at feel na feel niya ang eksena. Hindi mo raw talaga maiiwasang hindi maramdaman ang eksena dahil ang husay-husay din ng acting ni Tom. Nagkakahugutan nga raw sila ng emosyon ni Tom, kaya pareho nilang nararamdaman ang eksena.
May nagsasabing OA daw ang acting ni Tom, lalo na kapag nagwawala ito sa eksena. Hindi raw, natural reaction daw iyon ng mga may ganitong sakit na dahil bata pa ay nakaka-react sila to the point na makasakit sila, dahil malakas pa sila.
Ang Someone To Watch Over Me ay nagtatampok din sa mahusay na pagganap nina Edu Manzano, Ronnie Lazaro at Isay Alvarez, at napapanood pagkatapos ng Alyas Robin Hood.