Nagsampa ng demanda si Vina Morales laban sa ama ng kanyang anak na si Ceanna dahil kinuha umano ang bata ni Cedric Lee nang wala siyang pahintulot at hindi pa ibinabalik simula noon. Idiniin niyang iyon ay paglabag sa visiting rights na ipinagkaloob ng korte sa tatay ng anak niya.
Sinagot naman iyon ni Lee sa pagsasabing si Vina ang hindi tumutupad sa kautusan ng korte. Nagalit din si Lee na pinaabot pa agad iyon sa isang kaso at lumabas sa media ganoong maaari naman daw nilang pag-usapan kung ano man ang problema.
Hindi kami sa kani-kanino, maliwanag ngayon na hindi na nga sila magkaibigan kagaya ng sinasabi nila noong araw.
Noon kasi, sabihin mang natapos ang kanilang relasyon, mukhang ok pa rin naman sila. In fact, kung natatandaan ninyo, iyong kasagsagan ng kaso ni Cedric Lee na idinemanda ng comedian na si Vhong Navarro, nanatiling tahimik si Vina na nagsabi pang wala siyang masasabi sa ama ng kanyang anak.
Obviously, gusto ring bigyan ni Vina ng proteksiyon ang ama ng kanyang anak, at ang anak na rin niya mismo ang makakaladkad pa sa ganoong kontrobersiya.
Ngayon si Vina pa mismo ang nagsampa ng kaso. Pero maliwanag naman ang kanyang sinabi, hindi niya maaaring pabayaan ang ano mang bagay para sa kanyang anak. Natural lang na masakit para kay Vina na kunin sa kanya ang anak niya, lalo na’t simula naman nang ipanganak si Ceanna ay nasa kanya na iyon. Inaalala rin siguro ni Vina na maging uneasy ang kanyang anak sa piling ng ama na hindi naman niya talagang nakasama nang matagal.
Ang sagot naman ni Cedric Lee, maganda ang bonding nilang mag-tatay at may mga pictures daw silang makapagpapatunay noon.
Mahirap makialam diyan dahil may kaso na ngang kailangan sa hukuman na pag-usapan. Ang nakakatakot lang diyan, ang anumang iskandalong lilikhain niya ay tiyak na magkakaroon ng epekto sa kaisipan ng bata.
Plano ni Martin Andanar sa PTV4 hindi kakayanin ng anim na taon
Matinding trabaho ang haharapin ni Martin Andanar sa pagtanggap niya ng responsibilidad bilang presidential communications chief. Siguro kung ikukumpara mo ang trabahong iyan sa buhay niya noong siya ay anchor person pa lang sa TV5, para mong pinagtapat ang langit at ang purgatory.
Gusto raw ni Andanar na ang PTV 4 ay gawing kagaya ng BBC, CBS, ABC at kung anu-ano pang international network. Palagay namin hindi niya magagawa iyon sa loob ng anim na taon. Mas makatotohanan siguro iyong sinabi niyang ibabalik niya ang government television channel sa glory days noon noong 1980’s. Iyon ay noong panahong ang nagpapatakbo pa niyan ay si Director Greg Cendaña ng National Media Production Center.
Hawak din niya noon ang isang istasyon ng radio, iyong Voice of the Philippines. Ngayon hindi na namin naririnig kung mayroon pa bang VOP. Ang Channel 4, malabo ang signal at ang naririnig nga naming kuwento, hindi naibibigay ang suweldo ng mga empleyado sa oras.
Siguro nga may magagawa pa kung mababawasan ang corruption na umiral sa government media sa loob ng nakaraang tatlumpung taon, kung kailan bumagsak iyon nang bumagsak. Ginawa kasi nilang propaganda station ang PTV4, wala ka na halos makitang lehitimong balita, kundi puro pabor lang sa gobyerno. Sino ba naman ang maniniwala kung alam nilang may umiiral na corruption.
Hindi isang superman si Andanar para masolusyonan iyan sa loob ng anim na taon.