Pagkatapos na pagkatapos ng eleksiyon, biglang lumabas ang isang public announcement mula sa mga dating manager ni Robin Padilla na ang actor ay wala na sa ilalim ng kanilang management.
Wala naman daw kinalaman ang pulitika sa paghihiwalay nila ng landas. Maaayos naman daw ang kanilang paghihiwalay, at sinabi pa ng actor na iyon ay kusa niyang kagustuhan.
Matagal nang manager ni Robin iyang si Betchay Vidanes. Noong nagsisimula si Robin, ang manager niya ay si Deo Fajardo.
Si Deo ay nagsimula bilang isang movie writer na nang kalaunan ay naging director din ng pelikula. Matagal na naging talent ni Deo si Robin. In fact, masasabi nga siguro na ang kanyang career ay nagsimula kay Deo. Si Deo rin ang discoverer at unang manager ng yumaong action star na si Rudy Fernandez noong araw. Kaya nga nang i-launch niya si Robin sa pelikula, ang ginamit niya ay Anak ni Baby Ama, dahil ang kuwento ni Baby Ama ang siyang nagpasikat naman kay Rudy.
Pagkatapos noon, naging manager na ni Robin si Betchay Vidanes, na rati ay nagtatrabaho sa Viva Films. Umalis si Betchay sa Viva para tulungan si Robin, at nang malaunan siya na nga ang naging manager ng aktor. Lumaki na rin naman ang management company ni Betchay, at nagkaroon din naman siya ng iba pang mga talent. Ang alam namin, ok naman ang lahat kaya nga nagulat kami nang lumabas ang announcement na hindi na siya ang manager ni Robin.
Wala naman ngang problema, pero siguro naghahanap lang si Robin ng bagong diskarte sa kanyang career. Actually, lahat halos ng nangyayari sa kanyang career, diskarte naman ni Robin, sa pagkakaalam namin. Si Betchay bale ang nag-iimplement kung ano ang gusto niya. Kaya siguro dapat talaga wala namang problema.
Wala naman silang ibinigay na dahilan ng paghihiwalay.
Ate Vi naging dikit ang laban
Marami ring mga artistang nasa pulitika na ang nanalo ulit. Siguro nga ang malaki ang panalo ay si Mayor Herbert Bautista, dahil halos unopposed naman siya sa Quezon City. May mga kalaban man, hindi naman mga kilala.
Naging mahigpit ang laban ni Governor Vilma Santos, na ngayon ay congresswoman elect na sa lone district ng Lipa. Siyam na taon din siyang mayor ng Lipa, bago naging governor ng Batangas ng siyam na taon ulit, pero nasabak pa rin siya sa medyo mahigpit na laban.
Kaunti lamang ang lamang ni Mayor Joseph Estrada, kay dating mayor Fred Lim, na mukhang maghaharap pa raw yata ng protesta sa COMELEC.
Ang magandang panalo ay kay Mayor elect Richard Gomez ng Ormoc. Kung natatandaan ninyo, una siyang tumakbo sa party list, at nang manalo at saka na-disqualify ang partido nila noon.
Tumakbo siyang senador, pero mukhang hindi pa siya handa noon para sa isang national elections. Tumakbo siyang congressman sa Ormoc, at sinasabing pinakamalakas na kandidato nang silatin naman siya ng COMELEC, dahil ulit sa kakulangan daw ng residency. Naging substitute niya ang asawang si Lucy na nanalo naman. Ngayon, masasabi nga sigurong sweet victory iyan, dahil si Goma ay inihalal bilang mayor ng Ormoc at nagkaroon ng magandang margin laban sa mga nakalaban niya.
Iyong ibang mga artistang nanalo, hindi pa namin nababalitaan. Pero marami ring mga artistang nag-ambisyon ang natalo.