Janice kaya nang harapin si John

MANILA, Philippines – Nagagawa nang makipag-usap kahit paano ni Janice de Belen sa ex-husband niyang si John Estrada, kaya malamang na walang problema ang nalalapit na pagsasama ng aktor at ng kapatid ni Janice na si Gelli de Belen sa isang bagong teleserye ng ABS-CBN na pagbibidahan nina Jericho Rosales at Arci Muñoz.

Hindi man masasabing close friends na sina Janice at John, mukhang wala na rin namang problema sa huli ang una.

Anyway, maraming fans ni Gelli ang natutuwa na may regular te­leserye na siya sa Kapamilya network.

Noong lumipat kasi sina Janice at Carmina Villarroel (na kasama niya noon sa SiS ng GMA 7), marami ang nag-akalang magiging Kapamilya rin si Gelli, pero sa TV5 nga siya pumirma ng kontrata.

At ngayong may regular teleserye na rin si Gelli sa Kapamilya network, nangangahulugan bang mawawala na siya sa Happy Truck, HapPINAS ng Kapatid network?

Inusisa ko ang isang taga-Backroomn, Inc. na management company ni Gelli at ang sagot nito ay co-host pa rin naman daw nina Ogie Alcasid at Janno Gibbs sa Happy Truck, HapPINAS ang misis ni Ariel Rivera.

Happy Truck, magpapalit ng timeslot

Speaking of Happy Truck, HapPINAS ng TV5, may nakapagtsika sa akin na magpapalit daw sila ng timeslot.

Sa ngayon, napapanood tuwing Sunday, 11:00 a.m. to 1:00 p.m. ang nasabing show sa Kapatid network.

Hindi na naman bago sa shows ng TV5 ang pagpapalit-palit ng timeslot.

Marian hindi tatapatan sina Karla, Melai, at Jolina

Sa Monday na ang simula ng Yan Ang Morning!, ang daily morning talk show ni Marian Rivera sa GMA 7.

Haharap sa press ngayon si Marian para pag-usapan ang kanyang Yan Ang Morning! show.

Ang Yan sa titulo ng morning daily talk show ay kuha sa kanyang palayaw.

Hindi mahihirapan si Marian sa bagong show dahil hindi naman araw-araw na live ito.

Sa ngayon, tuwing Wednesday daw nagti-taping si Marian at magiging twice a week ‘yun.

Mali nga pala ang balitang tatapatan ng Yan Ang Morning! ang Magandang Buhay nina Karla Estrada, Melai Cantiveros, at Jolina Magdangal dahil 10:45-11:30 a.m. ang timeslot ng daily morning talk show ni Marian.

Hindi raw ito ginawa para ipangtapat sa show na pumalit sa timeslot ng KrisTV.

Mukhang walang balak ang Kapuso network na tapatan ang Magandang Buhay dahil ungos sa ratings ang cartoon shows nila na katapat ng nasabing show ng ABS-CBN.

Salpukan nina James at Nadine kina John Lloyd at Jennylyn, sinadya?!

Hindi na mapipigilan ang tapatan ng This Time movie ng Viva Films na pinagbibidahan ng hottest young love team nina James Reid at Nadine Lustre at ng Just The 3 Of Us ng Star Cinema na bida sina John Lloyd Cruz at Jennylyn Mercado.

Magsasalpukan nga ang dalawang pelikula sa May 4.

At dahil pag-aari ng Star Cinema ang ABS-CBN, natural na mas maraming trailer ang pelikula nila kesa sa pelikula ng JaDine na ikinare-react ng fans ng magka-loveteam.

Pati nga ang ibang stars ng Kapamilya network ay nagpo-promote na rin ng Just The 3 Of Us.

Ang loveteam nga nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ay may promo plug ng nasabing pelikula, na ikinaiirita siyempre ng JaDine fans!

Hindi maintindihan ng JaDine supporters kung bakit kailangang tapatan ng Star Cinema ang pelikula ng kanilang mga idolo.

Sana raw ay iniwasan ang ganoong tapatan lalo na at nauna naman ang This Time sa playdate na May 4!

Sa mga hindi pa nakakaalam, dapat ay kahapon ang opening day sa mga sinehan ng pelikula nina John Lloyd at Jennylyn, pero napunta sila sa May 4 dahil sa tsikang iniwasan nila ang isang foreign movie.

Ang tsika naman ng mga taga-ABS-CBN, hindi raw talaga kasi sila umabot sa April 27 playdate, kaya napunta ang Just The 3 Of Us sa May 4 playdate.

Well…

Show comments