Congratulations sa aking alaga na si Alfred Vargas dahil miyembro na siya ng Executive Committee ng bagong Metro Manila Film Festival (MMFF).
May karapatan si Alfred na mabigyan ng posisyon sa MMFF 2016 Execom dahil hindi matatawaran ang pagmamahal niya sa pelikulang Pilipino.
Sariling pera ang ginastos ni Alfred para makapag-produce ng mga indie movie na may kabuluhan at kahit hindi siya active ngayon sa pag-arte dahil sa mga responsibilidad niya bilang congressman ng 5th District ng Quezon City, hindi nawala ang malasakit niya sa industriya na naging mabuti sa kanya.
In good company si Alfred dahil mga kasamahan niya sa Execom ng New Metro Manila Film Festival sina Papa Jesse Ejercito, Senator Sonny Angara, Mama Boots Anson Roa, Wilson Tieng at iba pa na inaasahan na malaki ang maitutulong para lalong maging successful ang film festival sa December 2016.
Linya sa pelikula ni FPJ at stick to Poe stickers nasa Viber na!
Nasa Viber na ang imortal na linya ni Fernando Poe, Jr. sa pelikula na “Isang bala ka lang!”, pati ang “Not once but twice” na sumikat dahil kay Susan Roces.
Tumatak sa isip ng publiko ang “You have stolen the presidency not once, but twice!” ni Manang Inday.
Kasama ng mga classic line ang na cute stickers ni Kuya Ron at Manang Inday sa mga free Viber sticker na inilabas ng kampo ni Senator Grace Poe.
Nakakaaliw ang mga “stick to Poe” stickers na nagpapakita ng iba’t ibang emosyon, greetings, at expression na puwedeng magamit sa pakikipag-chat sa mga kaibigan.
Kasama sa mga bonggang sticker ang “Hello Poe!,” “God bless Poe!”, “Guapoe!”, “Iboto Poe,” “Push Mo Poe,” “Keep Calm and Carry Poe,” “Good Night Poe,” “Poe The Win,” “Gandang Umaga Poe!,” “Ur Welcome Poe!,” “WRU Poe,” Smile Poe!,” “Yes Poe!,” at “Kain na Poe!”
Original idea ng kampo ni Mama Grace ang paglalabas sa Viber ng mga sticker at classic line ng kanyang mga magulang na posibleng gayahin ng ibang mga kandidato.
Bakbakan ng mga gustong maging pangalawang-pangulo may part two
Magkakaroon ng Part 2 ang debate ng mga vice presidentiable, courtesy of ABS-CBN.
Muling maghaharap sa darating na Linggo, April 17, ang mga kandidato na nagdebate noong Linggo sa University of Sto. Tomas at napanood sa CNN Philippines.
Mainit ang balitaktakan ng Part 1 ng vice presidentiable debate kaya inaasahan na mas matindi ang sagutan nila sa Kapamilya Network sponsored debates.
Siguro naman, wala nang makakalusot na hecklers tulad ng nangyari noong Linggo dahil magiging maingat na ang organizers ng debate.
Literal na binastos ng hecklers si Senator Bongbong Marcos pero imbes na magpaapekto, dinedma niya ang mga nang-agaw ng eksena at sinagot ang mga isyu na ipinukol laban sa kanya ni Senator Allan Peter Cayetano.
Mister ni Cristine 2nd runner up lang sa pagandahan ng katawan
Win sa Century Tuna Superbods sina Ali Khatibi at Clint Bondad na mga artista ng Viva Artists Agency.
Si Ali ang asawa ni Cristine Reyes na hindi nasayang ang pagsali sa contest dahil siya ang hinirang na second runner-up at first runner-up naman si Clint Bondad.
Magkaibigan sa tunay na buhay sina Ali at Clint kaya never na naging isyu ang pagiging magkalaban nila sa Century Tuna Superbods.
Proud misis si Cristine na pinanood ang finals night noong Linggo at mas kabado pa sa kanyang asawa. Mabuti na lang, nag-win si Ali.