Nagulat kami noong isang araw doon sa balita na nag-collapse na lang daw ang actor na si Julio Diaz, isinugod siya sa ospital at nakitang nagbara ang isa sa mga ugat sa kanyang utak. Kailangan siyang maoperahan agad, dahil kung hindi ay maaari niya iyong ikamatay.
Mabilis naman ang naging pagkilos ng kanyang kapatid, nanawagan siya sa mga kaibigan ni Julio sa industriya at maging sa mga mamamayan dahil inamin niyang hindi nila makakayanan ang gastos sa ganoong operasyon, lalo na nga’t madaliang kailangang isagawa iyon.
May mga sinasabing tumulong naman agad, pero maliwanag na iyon ay hindi sapat para sa kailangang halaga sa operasyon. Milyong piso ang kailangan para sa mga ganyang klase ng treatment, at inaamin naman nilang walang ganoon kalaking halaga si Julio na nabubuhay lang pala ngayon dahil sa upa sa isang bahagi ng kanyang bahay, lalo’t hindi na nga masyadong aktibo sa showbusiness.
Marami ang nagtatanong sa social media, “hindi ba siya nakapag-ipon noong araw?”. Simple lang ang sagot diyan eh. Isang magaling na actor si Julio. Naging bida rin naman siya sa maraming pelikula, pero hindi si Julio iyong isang artistang sumikat talaga na parang matinee idol. Iyong mga artistang kagaya ni Julio, hindi rin naman kalakihan ang kinikita ng mga iyan. Makikita mo nga more or less na masinop din naman sa kanyang buhay si Julio, dahil at least nakapagpatayo siya ng bahay. May tinitirahan siya, at may isang bahagi pa noon na nauupahan.
Mas mabuting ‘di hamak ang kanyang kalagayan kaysa roon sa isang aktres na nakitang nakatira sa isang barung-barong sa ilalim ng isang flyover, at doon sa isang male star na iniwan ng pamilya, nakikitira lang sa isang kaibigan at kung anu-ano pang odd jobs ang ginagawa.
Hindi namin alam kung naoparashan na si Julio. Ang sabi raw sa kanila ay kailangang isagawa ang operasyon nang madalian. Pero delikado ang operasyong iyon. Kung sabihin maging ng mga doctor, iyan ay isang “blindfold operation”. Ibig sabihin malaking sugal ang ganyang klase ng operasyon. Pero siyempre para sa isang pamilya, sisikapin nilang madugtungan pa ang kanyang buhay kahit na papaano. Sayang. Iyang mga ganyang kaso sana ang natutugunan ng Mowelfund kung may pera lang sila.
Matteo nagsalita na sa pag-aasawa raw
Maski na si Matteo Guidicelli, nagbigay na rin ng statement na hindi totoo ang mga tsismis na on the family way na ang kanyang girlfriend na si Sarah Geronimo. Bakit nga ba kailangan nilang madaliin ang relasyon ng dalawa, ganoon sila mismo they would like to take their time. Naniniwala rin naman sila na ang lahat ay dapat na gawin sa tamang panahon.
Mabubuntis ba naman si Sarah on her own lamang? Natural kung mangyayari iyon ay may kinalaman si Matteo. Kaso iyang si Matteo naman ay iyong klase ng lalaking hindi gagawa nang wala sa ayos. Siguro nga nagugulat din siya sa mga tsismis kaya napilitan na siyang gumawa ng statement.
Ang isang tanong lang namin, kailan ba ipapalabas iyong book two noong serye ni Matteo na Single/Single? Ang dami ng naghihintay ng kasunod matapos noong naunang serye. Panay lang ang plugging ng Cinema One na malapit nang ilabas ang book two, pero wala naman silang sinasabi kung kailan.
Sa totoo lang, marami na ang fans nina Matteo at Shaina Magdayao na naiinip na sa pagsisimula ng bagong serye. Mas mabuti namang simulan na nila iyon kaysa doon sa mga inilalabas nila kung minsan na mga walang kuwentang pelikula.