Mga artistang kumakandidato, hindi na ‘ginagamit’ ang showbiz

Minsan nakakatawa eh, kasi napapansin namin, iyong mga kandidatong hindi naman mga artista at wala namang kinalaman sa showbusiness, panay ang patawag sa movie press.

Matagal na na­ming naririnig ang kanilang paniniwala na ang pinakamaraming nagbabasa sa mga diyaryo ay naghahanap ng entertainment at sports. Na­tural iyan ang gagamitin nila.

Asahan mo basta malapit na ang eleksiyon, lahat iyan may sinasabing programa para sa film industry kung sakaling sila ay mananalo. After all pa­ngako lang naman iyon. Kung hindi nila magawa, madali naman silang gumawa ng alibi. Pero iyong mga taong talagang wala namang kinalaman sa entertainment, iyan ang nagtatawag ng movie press.

Ang mas nakakatawa, iyong mga kandidatong kung iisipin mo may kinalaman sa entertainment, hindi nila ginagawa iyan. Kasi maliwanag na ayaw nilang gamitin ang kanilang propesyon bilang mga actor sa pulitika. Ibang daigdig naman kasi ang pulitika.

Tingnan ninyo sina Richard Gomez at Vilma Santos. Magsalita lamang kahit na sino sa kanila ay tiyak nang hahabulin ng movie press kasi malala­king artista sila. Pero hindi nila ginagawa iyon. Hindi nila ginagamit ang kanilang popularidad bilang mga artista.

Si Mayor Joseph “Erap” Estrada halimbawa, hindi lang artista at producer iyan, isa iyan sa mga totoong nagpasimula ng Metro Manila Film Festival noong 1975, dahil noon, siya rin ang presidente ng PMPPA (Philippine Motion Picture Producers Association). Pero nakisawsaw ba siya sa issue ng festival?

Si Mayor Herbert “Bistek” Bautista, artista iyan at producer din naman. Nakisawsaw ba sa entertainment issues para magamit niya sa pulitika?

Ang daming mga artistang pulitiko rin, pero hindi ginagamit ang showbusiness para sa kanilang kampanya, kaya matatawa ka sa mga pulitiko na wala namang kinalaman sa showbiz. Sila iyong showbiz na showbiz.

Award-giving bodies ng mga pelikula sa ibang bansa, maanomalya na rin

Napailing na lang kami habang nagkukuwento sa amin noong isang gabi ang isang member ng isang award-giving body tungkol sa kanyang nakitang anomalya sa kanilang awards mismo.

Hindi iyan ang first time na may narinig kaming ganyan tungkol sa awards na iyan. May isa pa silang member na naunang nagkuwento sa amin at nakiusap pang isulat namin.

Pero natawa na lang kami noong sabihin sa amin na iyong pelikulang hindi man considered para sa best picture sa panahon ng usapan o deli­beration, iyon ang nanalo best picture.

Iyong artistang sa simula ay sinasabi nilang hindi puwedeng best actor, iyon ang nanalo.

Ano kaya ang anomalya sa likod niyan?

Kaya nga halos wala nang naniniwala sa mga awards ngayon eh. Kulang na lang pati iyong mga nagtitinda ng pirated DVD sa Quiapo magbigay ng sarili nilang awards. Sampu isang pera na ang awards.

Mas nakakabigla naman ang mga tsismis ng lakaran para sa mga awards sa abroad. Kung paniniwalaan namin ang lahat ng mga kuwento, aba eh nakakadiri na ang sitwasyon, at ang masakit sinasabi nilang may ilang Pinoy na gumagawa rin nang ganoon.

Nakakahiya!

Show comments