Na-trauma nang tumaba Meg sumusumpang hindi na masyadong lalamon

Nangako si Meg Imperial na aalagaan na niya ang kanyang katawan para maiwasan niyang tumaba ulit. Inamin ni Meg na dahil sa pagtaba niya ay hindi siya nabigyan ng follow-up teleserye pagkatapos ng Moon Of Desire sa ABS-CBN.

Kuwento ni Meg na na-depress siya dahil pumanaw ang kanyang lolo na very close sa kanya. Nakadagdag pa sa depression ni Meg ay ang ilang financial problems sa pamilya.

“Kapag depress kasi ako, kain lang ako nang kain. Nakalimutan ko na kailangan alagaan ko ang katawan ko.

“Kaya hindi ako nabigyan ng bagong teleserye sa Dos dahil sobrang tumaba ako.

“Mabuti na lang at nandiyan ang Viva at binigyan nila ako ng chance na ayusin ang sarili ko. Nag-promise ako sa kanila na magpapapayat ako at ime-maintain ko iyon.

“Sa awa ng Diyos, ‘yung mga nabawas na sa katawan ko ay hindi na bumalik. Kaya nakapag-taping na ako ng Bakit Manipis Ang Ulap for Viva TV and TV5.”

May gagawin ding episode for WattPad Presents TV Movie si Meg. Ito ay ang My Cassanova Husband.

Nina inilihim ang panganganak

Inilihim ng Soul Siren na si Nina ang kanyang panga­nganak sa isang baby girl noong nakaraang December 24. Pinangalanan niya ang anak bilang Ysabelle Louise. Ang ama ng anak ni Nina ay nagngangalang Coy Enriquez.

Kaya pala wala si Nina sa ginanap na press conference ng Valentine show na #LoveThrowback dahil ayaw niyang pag-usapan sa press ang kanyang panganganak.

Mas gusto nga raw ni Nina na maging private ang lahat dahil hindi taga-showbiz ang kanyang partner.

Sa Instagram account ng singer, pinost niya ang photo ng kanyang baby girl.

“Seems like yesterday, I didn’t even know your name now today you’re always on my mind never could have predicted that I’d feel this way you are beautiful, Surprise #YsabellaLouise #Christmasbaby @coy.e” caption pa ni Nina.

Ngayong February ay muling mag-perform si Nina pagkatapos ng isang buwan na pamamahinga.

Makakasama nga niya sa #LoveThrowback ay sina Rico Puno, Marco Sison, Gino Padilla, Raymond Launchengco, Wency Cornejo, Chad Borja at Roselle Nava.

David Bowie pinamanahan ng milyun-milyong dolyar ang mga alalay!

Hindi naging pabaya ang namayapang rock star na si David Bowie sa kanyang mga kinita noong kasikatan niya. Bago siya pumanaw dahil sa sakit na cancer, napagawa niya ang kanyang last will and testament.

Ang kanyang naiwang estate ay nagkakahalaga ng $100 million at ito ang pinaghatian ng kanyang pamilya at ilang mga loyal niyang staff.

Kalahati ng estate ay napunta sa misis niya, ang former supermodel na si Iman. Pati na ang bahay nila sa New York ay iniwan ni Bowie sa pangalan ng kanyang misis.

Ang natitira ay pinaghatian ng kanyang dalawang anak na sina Duncan Jones at Alexandria Zahra Jones. Naghati sila ng tig-25% ng naiwan niyang estate. Nabigyan din ng bahay si Alexandria na located sa upstate New York.

Ang personal assistant ni Bowie na si Corinne Schwab ay tumanggap ng  $2 million. Nabigyan naman ng $1 million ang kanilang nanny na si Marion Skene.

Bago pumanaw ay request ni Bowie na i-cremate siya at isabog ang kanyang abo sa Bali, Indonesia. Isu­nod daw ito sa ritual ng mga Buddhist. Na-cremate ang kanyang katawan noong nakaraang January 12.

Two days bago pumanaw si Bowie ay ni-release ang kanyang long-awaited album titled Blackstar. Umakyat sa number one spot sa UK charts ang naturang album.

Show comments