Umaapaw ang kaligayahan kay Heart Evangelista dahil muli niyang naisakatuparan ang pag-present ng bago niyang collection ng oil paintings sa exhibition na Oceans Apart na nagbukas nu’ng Biyernes nang gabi sa Artist Space ng Ayala Museum. Kahapon ang exhibition run na magtatapos sa Pebrero 10, 2016.
‘Yung unang exhibit ng paintings na ginawa ay naganap din sa nasabing lugar two years ago. Bukod sa papuring tinanggap sa paintings, sold out din sa unang oras ng opening day ang gawa ni Heart. But take note na hindi lang sa atin pinuri ang paintings ni Heart dahil ‘yung solo exhibit niya sa Singapore ay umani ng paghanga mula sa international critics, huh!
“Ang saya siya kasi iba naman! So far, parang very accepted siya ng mga client. I got a lot of offer from art collectors. May mga Singaporeans at iba pa,” saad ni Heart nang makausap ng press na naimbitahan.
Natatapos niya ang isang painting mula tatlo hanggang apat na buwan.
“Iba-ibang oras. Minsan, sabay-sabay ko siyang pini-paint. Minsan, paisa-isa,” sey niya.
So hindi siya puwedeng istorbohin ni Senator Chiz (Escudero) habang nagpipinta?
“Hindi, I love painting when there are people around. Nalulungkot ako pag nag-iisa lang ako. So lagi akong nag-i-invite ng friends ko. Or habang nagmimiting siya, nandoon ako, nagpi-paint,” tugon ni Mrs. Escudero.
Contemporary ang dating ng paintings niya. Kaya depende kung makakagawa siya ng portraits.
“Free-flowing ako eh. Contemporary. Not so much on the portraits! Siguro, ‘yung una kong collection,” sabi niya.
Pansarili mang kaligayahan ang nakukuha ni Heart sa pagpipinta, ‘yung kinikita naman ng benta ay may beneficiaries na napupuntahan.
“Yes, I do have my beneficiaries especially with my notebooks, painted bags. So I have beneficiaries. But like this one, this exhibit, hindi ko masyadong sinasasabi. Parang mas importante ‘yung points ko sa itaas kesa dito.
“I guess for exhibits, like for certain staff, ‘yung kay Mark Bumgarner (designer) sa fashion show I did, meron akong, thalassemia patients. Tapos, ‘yung mga iba, silent donations na lang ako,” pahayag ni Mrs. Escudero.
Teka, kampanya na next month ni Sen. Chiz na tatakbo bilang Vice President. Ibig bang sabihin, matetengga na ang artistic side niya once lumarga na ang asawa niya sa eleksyon?
“Hindi. I will continue talaga. Kung meron akong isang dedication, I will really paint hanggang tumanda ako. Matitigil na lahat ng pag-aartista, magpi-paint pa rin ako!” diin ni Heart.
Siyempre pa, present si Sen. Chiz sa exhibit ng asawa pati na mga bosses sa GMA 7 gaya nina Marivin Ayarata, Darling de Jesus at Gigi Lara Santiago at iba pang close friends.
Anyway, bukod sa pagpipinta, on-going din ang cooking classes ni Heart bago simulan ang cooking show sa Star World Asia and pretty soon, magkakaroon siya ng bagong show sa Kapuso Network.
Komedyanang si Boobsie hindi inaakalang magkakapag-concert sa Araneta
Tumatanaw ng utang na loob ang komedyanang si Boobsie Wonderland kay Allan K na siyang humimok sa kanya na bumalik sa Pilipinas at iwan ang trabaho sa Dubai bilang singer-performer sa isang club doon.
Eh, hindi naman siya nagsisisi dahil nabigyan siya ng trabaho sa Klownz at Zirkoh Comedy Bars at ngayon, namamayagpag na ang tandem nila ni Gladys “Chuchay” Guevarra sa telebisyon, huh!
‘Yun nga lang, ban na siya sa Dubai ngayon dahil nang umalis siya roon, saka lang niya nalaman na wala pala siyang working permit! Kaya naman nagbigay siya ng malaking halaga upang makaalis sa nasabing bansa.
“Pero ngayon po, masayang-masaya ako. Hindi ko inisip na makakalabas ako sa telebisyon at ngayon, may concert pa sa Araneta Coliseum! Ha! Ha! Ha!” sey ni Boobsie sa presscon ng February 13 concert na Panahon Ng May Tama #ComicKilig kung saan kasama niya sina Gladys, Ate Gay at Papa Jack mula sa produksyon ng CCA Entertainment Productions Corporation ni Joed Serrano.
Ayon kay director-writer ng show na si Andrew de Real, rater ang tandem nina Gladys at Boobsie sa Sunday PinaSaya. Pero ibang-iba raw ang mapapanood sa kanilang dalawa sa comedy concert ng taon. Handog ng Motortrade, Cherry Mobile, Happee Toothpaste, Mister Donut, Belo Essentials at iba pa ang Panahon Ng May Tama. Mabibili ang tickets sa Ticketnet.