Pero willing naman daw matuto Xian lagapak sa standards ni Ate Vi?!

Maganda naman daw ang crowd noong premiere night ng pelikula ni Ate Vi (Vilma Santos). Wala naman kami roon kaya we had to rely sa kuwento ng mga kakilala naming naroroon.

Sinasabi rin naman nila na maganda ang pagkakagawa ng pelikula. Naniniwala kami roon. Alam naman namin ang trabaho ni Bb. Joyce Bernal, at saka kagaya nga ng nasabi na namin, iyang si Ate Vi ang tipo ng aktres na makikialam talaga kung sa palagay niya wala sa ayos ang ginagawa niyang pelikula.

Magbibigay iyan ng suggestions, pero mukhang sa pelikula niyang iyan, wala namang ganoon kasi sa kuwento niya, kuntento siya, kahit iyan lamang ang first time nilang dalawa ni Bernal.

Lahat naman ng narinig namin tungkol sa pelikula nila ay positibo.

Ang hindi lang namin malaman kung bakit parang pinag-iinitan si Xian Lim, na para bang duda sila sa pagkakasali nito sa pelikula. Ang hindi pa maganda roon, may mga taong masasabi nating insiders pero may duda kay Xian.

On the contrary, ipinagtatanggol naman siya nina Ate Vi at Angel Locsin doon sa mga nagsasabing mahina pa siyang umarte. Hindi naman sinabi ni Ate Vi na napakagaling nga ni Xian. Ang natatandaan naming sinabi niya “he’s willing to learn”.

Hindi naman siguro tayo ang tipong masyadong nag-aaral sa statements na ating naririnig kagaya ng mga senador kung may imbestigasyon sa senado, pero maliwanag na malaki ang kaibahan noong simpleng statement na “mahusay siya” kaysa doon sa may karugtong na “he’s willing to learn”.

Ibig sabihin, may kailangan pa siyang pag-aralan. Eh siyempre naman iba ang standards ni Ate Vi na limang dekada nang mahigit sa pelikula, samantalang iyang si Xian Lim naman ay kailan lang.

Pero kuntento na kami sa ganoong statement. Para sabihin ng isang Vilma Santos, na kinikilalang isang napakahusay na aktres, at nananatiling popular dahil siguro sa kanyang kahusayan sa loob ng mahigit na limang dekada, aba eh napakalaking bagay na niyan.

Kung ang nagsabi siguro na magaling si Xian Lim ay isang artistang laos, hindi pa kami maniniwala. Pero si Ate Vi iyan, alam namin she knows what she is talking about.

Ama nina Teresa at Bing Loyzaga, yumao na

Hindi namin maiwasang ibalita rin na kaninang madaling araw, Miyerkules nang sinusulat namin ito, yumao sa Cardinal Santos Memorial                      

Hospital ang sikat na basketball star at coach na si Caloy Loyzaga. May kuneksiyon din sa showbiz si Caloy Loyzaga. Anak niya si Bing Loyzaga at si Teresa Loyzaga. Apo niya si Diego Loyzaga at biyenan naman siya ni Janno Gibbs.

May iba pang mga personalities na dati ay related din sa kanya. Sa natatandaan din namin, may mga pelikula noong araw na nasamahan din niya.

Si Mang Caloy ang naglarong center para sa Philippine Team noong 1954, kung kailan ang Pilipinas ay naging pangatlo sa buong mundo. Iyon ang pinakamataas na inabot ng Pilipinas at hindi na naulit iyon ng kahit na anong team.

Naging coach siya ng YCO sa MICAA, at noong malaunan ay naging coach din ng U Tex at Tanduay noong nagsisimula pa lamang ang PBA.

Kung tawagin siya noon sa mundo ng basketball ay “the big difference”, dahil kung titingnan naman ang kanyang record bilang isang basketball player ay talagang matindi ang kanyang dating.

Bilang isang coach, magaling siya. Sinasabi nga ng naging players niya noon na nakakausap namin, basta raw naturuan ka ni Coach Loyzaga matindi ka na. Dalawa rin sa mga anak niya, sina Chito at Joey ay parehong naging mahusay na basketball player. Si Joey ay na-link din noon kay Gretchen Barretto.

 

Show comments