Hindi mo talaga maiiwasan na kung minsan, may mga aksidente ngang nangyayari sa shooting ng isang pelikula. Kung minsan talagang may nasasaktan.
Kung minsan nagkakapikunan talaga, pero siguro nga tama namang intindihin ang mga pangyayari.
May lumabas na tsismis na diumano, naging totohanan daw ang sampal na ginawa ni Governor Vilma Santos kay Angel Locsin sa pelikula nilang Everything About Her.
Natawa nga kami dahil kinorek pa iyon ni Angel, hindi raw sampal kundi sapok. Pero inamin naman niyang hindi siya nasaktan, kahit na tumama iyon sa kanya.
Nasabi nga niyang alam mo namang kontrolado ni Ate Vi ang kanyang ginagawa, at saka pagkatapos daw noon nag-apologize pa sa kanya at tinanong kung nasaktan siya. Eh talaga naman daw hindi.
Naiintindihan din niya na kailangang ang gawin ang ganoon para mas maging makatotohanan ang acting nilang dalawa.
Pero sinasabi nga rin ni Ate Vi, kung minsan kahit na ano’ng ingat ang gawin mo “inaabot pa rin sila eh. Kaya tinatanong ko agad, kasi minsan kahit ano’ng iwas mo may nasasaktan. Pero hindi naman sinasadya iyon. Part na yata iyon ng trabaho namin bilang artista. Maski ako maraming beses ko ring naranasan ang masampal o masuntok, pero sa totoo lang I don’t take it against the person kasi kung minsan nangyayari talaga ang aksidente,” sabi ni Ate Vi.
Sabi pa niya, “sa mga professional artists naiintindihan nila iyon”.
“Ang masama kung baguhan, tapos hindi alam ang nangyayaring ganoon, tapos masasaktan, aba hindi mo alam kung ano ang magiging reaksyon noon. Maski na nga iyong nakita mong nangyari recently lang, salitaan lang pero may nasaktan. Kasi hindi pa sila sanay sa ganoon, at kagaya nga ng sinasabi ko, sa mga matatagal na sa show business, bale wala iyon. Hindi naman kasi personalan iyon,” pagtatapos ni Ate Vi.
Kaya in demand.. Tonton iilan lang sa mga artistang may talent
Marami ang nagulat nang makita si Tonton Gutierrez sa presscon ng bagong serye sa primetime ng GMA 7 na That’s My Amboy. Alam din naman kasi nila na may dalawa pa siyang seryeng tumatakbo hanggang ngayon sa ibang network.
“Hindi naman problema iyon dahil wala naman akong exclusive contract kahit na kanino, at saka bahala na ang manager ko sa mga ganoong usapan. Hindi naman namin tinanggap itong bagong serye na ito na hindi rin maliwanag sa lahat ng concerned na gagawin ko ito,” sabi ni Tonton.
Pero ang nangyayaring ganyan, maliwanag lang na kulang pa nga tayo sa mga artista. Maraming mga lumalabas, pero hindi lahat iyan artista, kaya nga may mga artistang nagkakadoble-doble ang trabaho gaya nga ni Tonton, samantalang marami naman ang walang makuhang assignments.
Aminin natin na marami ngang mga pumapasok sa show business, siguro may mga magagawa rin naman silang mga roles, pero hindi lahat ng roles ay kaya nilang gawin. Limitado rin sila. Kailangang kunin ang isang artista kahit na may ginagawa na siyang iba.
Maraming ganyang mga artista, na napakaraming trabaho. Hindi rin naman nila gusto iyon dahil kahit na malaki ang kita, pagod naman sila nang sobra. Pero masakit mang isipin, isang maliwanag na katotohanan na hindi lahat ng mga sinasabing mga artista ay may talent.
Hindi na kailangang ipagtanong iyan.