Alden makakapagpatapos na ng kapatid sa kolehiyo!
Tiyak na maiiyak na naman ang Pambansang Bae na si Alden Richards dahil malapit na ngang matapos sa kolehiyo ang kanyang kapatid na babae na si Mary Christine “Riza” Faulkerson.
Si Alden ang tumulong sa pag-aaral ng kanyang dalawang kapatid noong pinasok na nito ang paggawa ng TV commercials at ang pag-aartista.
Isinakripisyo ni Alden ang pag-aaral niya para matulungan ang kanyang mga kapatid para makatapos ang mga ito sa pag-aaral.
Ngayon ay natupad na ang isang dream ni Alden dahil ga-graduate na mula sa Letran College si Riza sa kursong Human Resource Development Management.
Hindi kataka-takang bumabaha ang biyaya kay Alden dahil sa magagandang ginagawa niya, hindi lang para sa ibang tao kundi para sa kanyang pamilya.
Sa Instagram account nga ni Riza, inihandog niya ang kanyang college degree sa kanyang pamilya, lalung-lalo na sa kanyang Kuya Alden.
Direk Neal nabunutan na ng tinik, serye nina Miguel at Bianca nag-trending
Nakahinga na ng maluwag ang director ng Wish I May na si Neal del Rosario dahil sa magandang pagtanggap ng televiewers noong nakaraang Lunes.
Nag-trending pa sa Twitter Philippines and hashtag na #WishIMay.
Inamin ni Direk Neal na may nararamdaman siyang pressure kung saan bida ang Kapuso loveteam nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali.
Ang pinalitan kasi nila sa timeslot nito ay ang long-running teleserye na The Half Sisters.
Pero malaki ang tiwala ni Direk Neal sa kanyang mga artista dahil bukod sa magagaling ang mga ito, mahuhusay pang makisama sa isa’t isa.
Naging artista noon ng Viva Films si Direk Neal pero mas nag-concentrate siya sa likod ng kamera. Naging producer siya ng teen show na Growing Up noong 1997.
Naging assistant director siya ni Direk Wenn Deramas sa pelikulang Ang Tanging Ina at Kung Ikaw Ay Isang Panaginip.
Bilang assistant director naman sa ABS-CBN 2, ginawa niya ang mga teleserye na Angelito: Batang Ama, Impostor, Mana Po, Alyna, Mara Clara, at Tayong Dalawa.
Sa bakuran naman ng GMA 7, naging director siya ng InstaDad at Magpakailanman.
Kahit senior na, nakakasungkit pa rin ng award Sylvester Stallone waging Best Supporting Actor sa Critic’s Choice Awards
Ang pelikulang Spotlight ang nakakuha ng Best Picture award sa katatapos lang na 2016 Critic’s Choice Awards.
Napanalunan din ng Spotlight ang Best Acting Ensemble award.
Naiuwi naman ng baguhang si Brie Larson ang Best Actress for Room, samantalang si Leonardo DiCaprio naman ang Best Actor for The Revenant.
Best Supporting Actress naman ang baguhan din na si Alicia Vikander for The Danish Girl.
Nakatanggap naman ng standing ovation si Sylvester Stallone nang tawagin ang pangalan niya bilang Best Supporting Actor para sa pelikulang Creed.
Sa TV awards naman, Best Actor in a Drama Series si Rami Malek for Mr. Robot. Best Actor in a Comedy Series naman si Jeffrey Tambor for Transparent.
Best Actress in a Drama Series si Carrie Coon for The Leftovers habang Best Actress in a Comedy Series si Rachel Bloom for Crazy Ex-Girlfriend.
Best Drama Series ang Mr. Robot at Best Comedy Series naman ang Master Of None.
Nabigyan naman ng special MVP Award ang comedienne na si Amy Schumer.
“I am plus-plus-size actress Amy Schumer!” panimula ng acceptance speech niya.
- Latest