Pinaiimbestigahan na raw sa pulis Coco nagsalita na sa isyu ng dayaan sa MMFF
Dalawang bagay ang lubos na ipinagpapasalamat ngayon ni Coco Martin at ito ay ang pagtabo sa takilya ng Metro Manila Film Festival movie nila ni Vice Ganda na Beauty and the Bestie at ang isa naman ay patuloy na pamamayagpag sa ratings ng primetime series niya sa ABS-CBN na Ang Probinsyano.
Kaya naman nagdaos ng thanksgiving presscon ang aktor last Thursday night.
When asked kung bakit sa tingin niya lahat nang ginagawa niya ay click, ayon kay Coco ay ginagampanan lang naman daw niya nang buong puso ang kanyang trabaho.
“Napakahaba po ng experience ko sa buhay. Sabi ko nga po, hindi naman ito parang sumali lang ako sa isang competition and then after that, nanalo ako tapos eto na.
“Talagang nagsimula po ako from the scratch. Nagsimula po ako, ang dami pong mabibigat na pagsubok na dumating sa buhay ko, mga mabibigat na intriga sa pamilya ko, kung baga, ang dami kong experience sa buhay.
“And then, bawat project po na ginagawa ko, talagang buong dedikasyon ang nilalaan ko po rito. Minsan nga, lagpas pa po sa pagkatao ko kasi, para po sa akin, isang malaking katuparan ito dahil noong bata ako, sabi ko nga, isa rin akong tagahanga na nanonood. And then, everytime na may project ako, hindi ko po iniisip ang sarili ko na kailangan, maganda ang dating ko dito, kailangang guwapo ako dito, ang lagi ko pong iniisip kasi ay ‘yung mga taong nanonood at humahanga sa akin, kung paano ko sila paliligayahin,” pahayag ni Coco.
Napakarami nang title ni Coco, mula sa pagiging Prince of Indie, Indie King, Primetime King, Hari ng Teleserye, King of Drama, Idolo ng Masa at mukhang madadagdagan pa ngayon ng Box Office King dahil nga ang pelikulang Beauty and the Bestie ang siyang humahawak na ng record ngayon bilang highest grossing Filipino film of all time.
Ano ang feeling na posible ngang hirangin siyang Box Office King?
“Hindi ko po nilalagay sa isip ko ‘yan. Lahat-lahat lang po ito, bonus na po sa akin na ito ang resulta ng lahat ng pinaghirapan namin. Siyempre po, sabi ko nga, sobra-sobra po akong nagpapasalamat sa Star Cinema sa lahat ng opportunity na ibinibigay nila sa akin from You’re My Boss, Maybe This Time, and then, itong Beauty and the Bestie.”
Siyempre, hindi rin naiwasang mahingan ng opinyon si Coco hinggil sa kontrobersiyang dinaanan ng pelikula nila kung saan ay nagpahayag nga si AiAi delas Alas na ang movie nilang My Bebe Love ang no.1 at parang nagpapahaging na may pandarayang ginagawa ang Star Cinema.
“’Yun nga po, nakarating din sa akin ang isyung ‘yun, ang sa akin naman po, definitely, sasabihin ko, hindi po totoo ‘yun. At kung anuman po ‘yang sinasabi nilang anomalya, huwag po kayong mag-alala dahil paiimbestigahan po natin kay Cardo,” pagbibiro ng magaling na aktor.
Si Cardo ang pulis na karakter na ginagampanan ni Coco sa Ang Probinsyano.
Sa seryosong pahayag, ani Coco nakakalungkot din daw na nagkakaroon pa ng issue sa pagiging number 1.
“Sana po, ang mas mangyari na lang sana, gumagawa tayo ng pelikula lalo na kapag Metro Manila Film Festival para mabigyan natin ng regalo ang mga tao, upang mapasaya sila, hindi po para makipag-compete kung sino ang no.1, no.2 o sino ang mas malakas at mas mahina.
“Sana po, ginagawa natin ‘to para sa mga tao. Kasi, ang pangit po na nasa maliit tayong industriya, tapos nag-aaway po tayo,” pahayag ni Coco.
- Latest