Ikinaila ni Solenn Heusaff na siya ay ikinasal na sa kanyang boyfriend sa abroad. Sinabi niyang siguro nga may mangyayaring kasalan, pero hindi pa iyon nagaganap at kung mangyayari na nga ay magiging open naman sila sa publiko at aaminin nila iyon.
Pinag-uusapan din ngayon ang kissing scene nila ng kanyang partner na si Dennis Trillo sa pelikulang Lakbay2Love. Tungkol doon sinabi naman ni Solenn na wala namang kontrobersiyal sa eksenang iyon. May kissing scene, siguro nga nakapagpainit iyon ng damdamin ng ibang nakapanood pero para sa kanya ay wala iyon dahil ginawa lang naman nila iyon professionally.
Nasabi rin ni Solenn na kahit na mag-asawa na siya ay wala pa ring magbabago sa buhay niya. Kung kailangan daw niyang magpa-sexy ay ok lang. Kung kailangan pa rin niyang gumawa ng covers sa mga men’s magazines ok lang din. Ayaw daw kasi niya nang may mababago sa buhay niya kahit na mag-asawa pa siya.
Ganyan na nga siguro ang modernong kaisipan ng mga kababaihan ngayon, lalo na nga’t may mga foreign influences din naman sa buhay ni Solenn. Kung ang mga Pinoy ay nagugulat pa kung minsan sa mga ganyang pangangatuwiran, iyan ay karaniwan na sa iba.
Kung kami ang tatanungin, mas maganda naman iyong ganoon, prangka niyang sinasabi kung ano ang nasa loob niya. Kaysa sa sinasabi ngang walang kibo pero nasa loob ang kulo.
Sinabi rin niyang excited siya sa pelikulang Lakbay2Love, hindi dahil love story iyon kung ‘di dahil may kinalaman nga sa kalikasan. Ang nilalaman kasi ng pelikula ay tungkol sa nangyayari ngayong climate change na kung hindi magagawan ng paraan ay sisira nang tuluyan sa mundo. Ang pelikula ay nagpo-promote din ng isang sports cycling, na linya naman ng leading man na si Dennis Trillo.
Limang araw na burol ni Kuya Germs, kapos!
Naihatid na sa huling hantungan si Kuya Germs kahapon ng umaga. Kagaya ng inaasahan, hindi lamang ang kanyang malalapit na kaibigan at kaanak ang nasa libing kung ‘di ang napakarami ring fans na gustong masilayan ang libing ng Master Showman.
Isa si Kuya Germs sa mga artistang yumao na labis na ipinagluksa ng buong entertainment industry. Mukhang lahat na yata ng mga personalidad sa industriya ay nakita sa kanyang burol na tumagal ng limang araw. At iyong limang araw na iyon ay kulang pa dahil sa rami ng mga gustong makiramay.
Kung sa bagay hindi na nakapagtataka. Iyon ngang birthday ni Kuya Germs, isang buwan ang celebration para mapagbigyang lahat ang mga kasamahan niyang gustong bumati sa kanya. Eh iyan pa nga bang hindi na sila makakabati ng “belated”.
Wala talagang makakapalit kay Kuya Germs.