MANILA, Philippines – Isang programa lang sa telebisyon ang sumasagi sa isipan kapag narinig na ang mga katagang “Hindi namin kayo tatantanan!” at ito ang Imbestigador na nagdiriwang ng ika-15 nitong anibersaryo ngayong Sabado, Enero 9.
Kasama ng batikang mamamahayag at host nitong si Mike Enriquez, lalo pang pinaigting ng Imbestigador ang investigative reporting sa telebisyon sa pamamagitan ng pagbibigay-boses sa mga naapi.
Sa loob ng lagpas isang dekadang pag-ere nito sa telebisyon, hindi nga nabigo ang longest-running investigative program ng Kapuso Network. Sa pakikipagtulungan sa iba’t-ibang ahensiya at grupo, marami na ang nahuli at nakasuhan, kasama na ang ilang mga tinuturing na big-time na sindikato.
Simula Enero 9, muling ibabalik ng programa ang maaksyon nitong paglalahad ng mga reklamo ng katiwalian at kung paano ito bibigyang-hustisya. Linggo-linggo, ibubulgar ng Sumbungan ng Bayan ang mga iligal at baluktot na gawain sa lipunan—isang bagay na tatak-Imbestigador.
Ngayong Sabado, January 9, masasaksihan ang buong kuwento sa likod ng eksklusibong pagtutok ng Imbestigador sa operasyon ng online pornography sa Cebu. Simula rin ngayong Sabado, ilulunsad ng Imbestigador ang “Isyu ni Juan”—isang ten-part election special na tatalakay sa mga isyung kinakaharap ng mga Pilipino. Ilalahad ng “Isyu ni Juan” ang plataporma ng mga kandidato sa pagka-Pangulo base sa mga natatanging isyu. Isang one-on-one interview sa mga kandidato kasama ang Imbestigador ng Bayan na si Mike Enriquez ang masasaksihan ngayong Sabado, Enero 9, 5:15 p.m. pagkatapos ng CelebriTV sa GMA-7.