Pahinga muna sa pulitika si Dennis Padilla. Lumutang siya sa meet the press na handog ng senatoriable na si Susan “Toots” Ople kahapon dahil naniniwala siya sa tulong na magagawa niya sa kababayan nating OFWs.
Magkasama rin kasi sina Dennis at Toots sa isang radio station kaya naman nakilala na niya ang pagkatao ng anak ng dating senador at Secretary of Labor na si Blas Ople.
“Simple lang ang lifestyle ni Toots kaya sigurado tayo na hindi siya magnanakaw!” diin ni Dennis.
May mga kapatid din kasi ang komedyante na nagtatrabaho sa abroad. Marami na rin siyang natulungan na OFWs kaya ganun katindi ang suporta niya.
“Handa akong tumulong at magbigay ng campaign materials. Siya lang din ang kandidato na may adbokasiya sa OFWs,” saad pa ng komedyante.
Eh bakit tumigil na siya sa pulitika?
“Hindi ko na kaya ang house to house campaign. Iba na ‘yung init ng araw ngayon. May namatay ng kandidato dahil sa heat stroke! Si Mayor Sanchez ng Batangas heatstroke yon! Hindi ko na kaya talaga!” katwiran ni Dens.
Baka naman natakot siya sa lumabas na picture sa social media kung saan may isang bata na kasama ang mga anak niya? “Ha! Ha! Ha! May sobra ngang isa! Nandoon lahat ang mga anak ko! Definitely hindi akin yung sobra!
“Basta ang anak ko doon, ‘yung stepdaughter ko na si Daniella, si Julia, si Claudia at bunso ko na si Leon.
“Natuwa naman ako makita dahil si Julia huli kong nakita nung graduation ng March saka si Leon,” sey pa niya.
Sino yung isa pang bata?
“Hindi ko alam! Kayo na ang magtanong. Kayo na ang magtanong!” iwas niya.
“Iba ang lahi ko eh! Hahaha! ‘Yung blood ko pag inihalo mo sa mestisa kita mo naman ang resulta ‘di ba? Hahaha!” tugon ni Dens.
Ano ang naramdaman niya nang makita niya picture ng bata?
“Wala kasi naririnig ko lang yon! Siyempre hindi ko naman alam. Baka kuwentuhan lang yon. Tapos nang makita ko, ‘Ay meron nga!’
Parang ganun lang,” saad pa ng komedyante.
Sa nasabing meet and greet, wala pang presidente si Toots. Ipinahayag niyang Amazing Grace ang dapat itawag kay Sen. Grace Poe dahil kinakaya niya ang lahat ng pinagdaraanan niya ngayon.