MANILA, Philippines – Madadagdagan ang saya ng madlang people ngayong bagong taon dahil sa pagbabalik ng patimpalak na inabangan at minahal ng masang Pinoy, ang Tawag ng Tanghalan na napapanood sa It’s Showtime.
Pinasikat ng naturang patimpalak ang ilan sa mga haligi ng industriya ng musikang Pilipino tulad nina Nora Aunor, Pepe Pimentel, at Bobot Mortiz. At ngayong 2016, mga bagong talento mula Luzon, Visayas, Mindanao, at Metro Manila ang muli nitong bibigyan ng pagkakataong maisakatuparan ang mga pangarap.
Apat na contestants araw-araw ang magpapagalingan sa pagkanta at magpapahanga sa mga hurado. Ngunit pag nawala sa tono ang mang-aawit, tutunog ang gong na hudyat sa pagpapatigil sa pagkanta ng contestant. Malaking premyo rin ang naghihintay sa magiging defending champion na magkakamit ng P25,000. Maguuwi naman ng consolation prize na P5,000 ang mga hindi mapipiling mang-aawit.
Nag-umpisa na nga ang tagisan ng galing sa kantahan nitong Sabado (Jan. 2) kung saan naglaban-laban ang apat na contestants mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ngayong linggo, nagsisilbing hurado ang singing legends na sina Rico J. Puno, Rey Valera, at Bobot Mortiz kasama sina Nyoy Volante at Yeng Constantino na kikilatisin at magbibigay ng komento sa performance ng aspiring singers.
Samantala, sabay sa pagbabalik ng Tawag ng Tanghalan, opisyal nang parte ng barkadahan ng It’s Showtime sina Amy Perez at Mariel Rodriguez-Padilla. Lubos na nagpasalamat sina Amy at Mariel para sa tiwala ng ABS-CBN Management at ng madlang people at bumati ng isang manigong bagong taon sa lahat.